top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

COVID-19 test kits ng UP, sa Pinoy muna bago sa ibang bansa

Ryan B. Sison
Mar 12, 2020
2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Bukod sa pagpigil na kumalat ang Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa bansa, hamon din para sa gobyerno ang pagtukoy sa taong infected.

Ito ay dahil maraming tao na may sintomas ng sakit, pero hindi pa nasusuri at dahil na rin sa kakulangan ng testing kits.

Matatandaang, nabahala ang publiko nang malamang may 2,000 testing kits lang sa bansa kumpara sa 100 milyong populasyon ng Pilipinas.

Samantala, aprubado na ng Food and Drug Administration (FDA) ang testing kits na gawa ng mga scientist mula sa University of the Philippines (UP).

Ayon sa FDA, ang kasalukuyang ginagamit na testing kits sa bansa na mula sa Japan ay inaabot ng 24-oras bago mailabas ang resulta, ngunit, sa testing kits na gawa mula sa UP National Institutes of Health, kayang lumabas ng resulta sa loob lamang ng dalawang oras.

Aprubado na ng FDA ang test kits at magagamit na ito para sa mas mabilis na pagsusuri ng mga pasyenteng may sintomas ng COVID-19.

Base sa impormasyon, ang foreign kits ay nagkakahalagang P8,500 kada isa habang ang UP-developed testing kits ay nasa P1, 320 lamang bawat isa.

Ikinatuwa ito ng marami dahil anila, malaking tulong ito para sa taumbayan.

Dahil mas mura at locally available, mas maraming tao ang makikinabang. Kaya naman, hinihikayat ng mga mambabatas na magsagawa agad ng mass-production ng testing kits.

Mabilis na kumakalat ang virus dahil marami sa atin ang may mahinang resistensiya at binabalewala ang mga sakit tulad ng lagnat, ubo at sipon na ilan sa mga sintomas ng COVID-19, kaya dapat lang na masuri ang mga ito.

At ngayong may naimbentong test kits ang ating mga kababayan, pakinabangan sana ito ng mga Pinoy at ‘wag itong matulad sa mga facemask na ibinenta sa China sa kabila ng matinding pangangailangan nito noong sumabog ang Bulkang Taal.

Ibigay ito sa mga nangangailangan dahil sa pagkakataong ito, pagtutulungan ang dapat nating gawin para sa kaligtasan at ikabubuti ng lahat.

‘Ika nga, bayan muna bago pera.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page