top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Sekyu, super-laki ng responsibilidad, super-liit naman ang suweldo

  • Bong Revilla
  • Mar 11, 2020
  • 2 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!

Ang pagiging security guard ay maituturing nating nasa hanay ng maliliit na manggagawa ngunit, may malaking responsibilidad na nakaatang sa kanilang balikat na dapat nilang gampanan.

Ngunit, hindi natin nabibigyan ng pansin ang mga panuntunan para maging security guard at marahil ay isa ito sa mga pumukaw sa ating kaisipan kung bakit humantong sa pangho-hostage ang lahat.

Tatlumpo katao ang nalagay sa peligro matapos silang i-hostage ng suspek na si Alchie Paray ng Safeguard Armor Security Corporation sa ikalawang palapag ng Virra Mall Shopping Center sa Greenhills, San Juan City.

Maliban pa rito si Ronald Velita, OIC ng security guard ng naturang mall na agad binaril ng suspek pero nasa ligtas nang kalagayan na sa kasalukuyan ay ginagamot sa Cardinal Santos Medical Center.

Isa sa mga unang dapat bigyan ng pansin ay ang lantarang bentahan ng resulta ng neuro-exam sa paligid ng Camp Crame na isa sa mga pangunahing requirements sa pagpasok bilang sekyu.

Marahil ay panahon na para higpitan ito tulad ng pinagdaraanan ng mga pulis dahil humahawak din sila ng baril at marami sa mga sekyu ay walang tamang pagsasanay tulad ng pulis.

Kasalanan ito ng mga security agency na kabisado ang mga ‘palusot’ kung paano patakbuhin ang negosyo at wala silang pakialam kung pasado o bagsak sa neuro-exam ang kanilang sekyu.

At dahil sa kakulangan ng pagsasanay, maging ang mga nakatalagang supervisor ng mga sekyu ay wala rin sa tamang pamantayan ang pagpapalakad na karaniwan ay na-promote lamang dahil sa tagal na sa agency.

Karaniwan sa mga supervisors ay ginagaya ang estilo ng pulisya sa pagpapatakbo sa mga sekyu kaya kung sigaw-sigawan nila ay halos mawalan na ng dignidad ang sekyu na hindi naman handa sa ganitong sitwasyon tulad ng tunay na pulis.

Idagdag pa ang napakaliit na suweldo ng mga sekyu dahil masyadong kinakaltasan ng mga agency na ang ending ay palaging nakasanla ang ATM card sa mga nagpapautang sa kani-kanilang pinapasukan.

Maraming sekyu rin ang dumaranas ng sobrang trabaho o lagpas sa walong oras na duty at ang masaklap ay hindi sila nababayaran sa kanilang apat na dagdag-oras, araw-araw.

Higit sa lahat, maraming sekyu ang hindi marunong gumamit ng baril at hindi pa nila nararanasang gumamit ng baril kahit kailan dahil sinabotahe lamang ang kanilang pagsasanay para maging sekyu.

Tapos bigla na lamang silang itatalaga sa banko, mall, ospital, pawnshop at iba pang mga delikadong establisimyento at lahat tayo ay iniaasa natin sa kanila ang ating kaligtasan.

Tulad sa kaso ng hostage-taker na si Paray, wala siyang record sa Supervisory Office for Security and Investigation Agency (SOSIA). Ibig sabihin, hindi siya lisensiyadong sekyu pero nakatalaga sa kilala pang shopping mall.

Ngayon, hindi ko sinasabing ang lahat ng ito ay nangyari sa mga sekyu na nakatalaga sa Virra Mall. Ang sinasabi ko lang — tulad ng sitwasyong ito na hindi nagkaintindihan ang supervisor at ang kanyang tauhan, ang resulta — hostage agad at namaril pa. Ngayon, saan tayo magsisimula kung sino ang may kasalanan at dapat sisihin sa naganap na hostage-drama sa Greenhills?

Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page