top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Aso, pusa at iba pang pets, iritable pag March, rabies usung-uso!

  • Bong Revilla
  • Mar 9, 2020
  • 2 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!

Pagpasok ng Marso ay kabi-kabila ang isinasagawang parada ng mga bumbero at nagsasalimbayan ang pag-iingay ng kani-kanilang sirena para ipaalala sa atin na Fire Prevention Month na.

Ngunit bukod sa sunog ay nais ko ring ipaalala sa ating mga kababayan na Rabies Awareness Month din ang Marso dahil natapat ito sa summer, mainit ang panahon at iritable ang mga hayop, partikular ang aso.

Ito ang panahon na marami ang nakakagat ng aso dahil hindi alintana ng marami na kahit hayop ay nawawala rin sa kondisyon kaya hindi sila dapat masyadong inaabuso o hinaharot.

Base sa datos ng Department of Health (DOH), nasa 200 hanggang 300 katao ang namamatay taun-taon dahil sa rabies na karaniwang nakukuha mula sa kagat ng aso o pusa.

May mga kaso ring nagkaroon ng rabies ang tao matapos makalmot ng pusa dahil ang pusa ay madalas na dinidilaan ang kanilang mga paa kaya malaki ang tsansa na malipat dito ang rabies kung may taglay sila nito.

Hindi lahat ng hayop ay nahahawa sa rabies, ang tanging nahahawa nito ay ang mga mammals kasama na ang tao at nakaaapekto ito sa utak at nervous system ngunit karaniwan ay sa pamamagitan ng kagat lamang.

Ang kailangan lamang gawin kapag nakakagat ang aso ay obserbahan ito sa loob ng 10 hanggang 14 araw at kapag naglabasan ang mga sintomas tulad ng pagkaparalisa ng mga paa at panga, lagnat, labis na paglalaway, pagkairitable at hirap sa pagkain ay positibo ito sa rabies.

Huwag dedmahin kapag nakagat ng aso, malaki man o maliit ang sugat dahil sapat na ang ngipin ng tuta para makapagpasok ng rabies sa kanyang kinagat.

Hindi lahat ng pagkakataon ay makikita o lalabas agad ang sintomas ng rabies. Minsan ay ilang linggo, may insidente na inaabot ng buwan at may pangyayari rin na malala o umakyat na sa utak ang rabies bago nadala sa pagamutan.

Hindi rin totoo na kapag nakagat ng aso ay dapat lagyan ng bawang ang sugat dahil mas makabubuti kung agad itong huhugasan ng malinis na tubig at sabon bago dalhin sa pinakamalapit na ospital para mabakunahan ng post-exposure prophylaxis.

Samantala, narito ang ilang paalala para makaiwas tayo sa rabies, dapat taun-taon ay pinababakunahan ang mga alagang aso at kung namamahalan sa beterinaryo ay dalhin ito sa tanggapan ng barangay na nagsasagawa ng libre.

Huwag ding hahayaang gumagala sa lansangan ang aso at tiyaking nakatali ito nang maayos para hindi makakawala o agad i-report sa mga awtoridad kapag nakakita nang pagala-galang aso sa kalye.

Makabubuti rin na magdala ng payong o anumang bagay sa tuwing maglalakad sa kalye upang may magamit na pantaboy sakaling lapitan ng asong hindi ninyo kakilala.

Sakaling may sugat kayo sa katawan ay huwag ninyong hayaang dilaan ito ng aso dahil may tsansa rin ito na masalinan kayo ng rabies.

Huwag hahayaan ang mga bata na nakikipaglaro sa aso dahil malaki ang tsansa na makalmot o makagat sila nang hindi sinasadya.

Hindi rin dapat hinahawakan ang aso habang sila ay kumakain, natutulog o bagong panganak dahil kandidato kang malapa kahit alaga mo pa, huwag mo nang subukan!

Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page