OMG, hindi lang pala isa, mga besh!.. Alamin: Iba’t-ibang uri ng coronavirus

Maraming natatakot ngayon sa novel coronavirus (nCoV) na kasalukuyang nakaaapekto sa libu-libong tao at naging dahilan ng pagkasawi ng higit 300 katao sa China.
Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC), malaking pamilya ng viruses ang coronavirus na karaniwang nakaaapekto sa mga camel, baka, pusa at paniki.
Dagdag pa ng CDC, sa pambihirang pagkakataon, maaaring lumipat ang animal coronaviruses sa mga tao at kumalat kaya narito ang anim na klase ng coronaviruses na puwedeng makahawa sa tao:
1. HUMAN CORONAVIRUS 229E AT OC43 (HCoV-229E & HCoV-OV43). Nagdudulot ang dalawang strain na ito ng common colds kasama ng iba pang mild respiratory symptoms. Ayon sa librong Microbiology: Application Based Approach at Goldman’s Cecil Medicine, Expert Consult Premium Edition, nasa 15% ng lahat ng nagkakaroon ng common colds ay idinudulot ng dalawang coronaviruses na ito. Samantala, mas madalas na tamaan ng sakit na coryza ang mga may HCoV-229E habang mas madalas naman ang pananakit ng lalamunan ng mga may HCoV-OC43.
2. Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS). Malimit na katambal nito ang pneumonia o respiratory diseases syndrome at naikakalat sa malapit na person-to-person contact. Una itong nakita sa Asya noong 2003 na kumalat sa mahigit 24 bansa sa North at South America, Europe at Asia. Kabilang sa mga sintomas nito ang lagnat, dry cough at pangangapos ng hininga.
3. Human coronavirus NL63 (HCoV-NL63, New Haven coronavirus). Ayon sa mga eksperto, madalas na bata at immunocompromised o may mahinang immune system ang tinatamaan ng sakit na ito na kung hindi nagpapakita ng ubo, lagnat at rhinorrhoea ay nagpapakita naman ng mas seryosong bronchiolitis at croup.
4. Human coronavirus HKU1 (HCoV-HKU1). Tulad ng iba pang coronaviruses, karaniwang makikita sa apektado nito ang mga upper respiratory infection. Unang nadiskubre ang virus na ito sa 71-anyos na lalaking galing sa Shenzen, China noong 2004 na nakitaan ng pneumonia. Gayundin, nakitaan ng acute bronchiolitis at asthmatic exacerbation ang ilan sa mga nagkaroon ng HCoV-HKU1.
5. Middle East respiraTory syndrome coronavirus (MERS-CoV). Lahat ng kaso ng MERS-CoV ay iniuugnay sa paglalakbay o pagtira sa mga bansang nasa o malapit sa Arabian Peninsula. Karaniwang nakadarama ng sintomas ng lagnat, pag-ubo at maiiksing paghinga ang mga taong tinatamaan nito.
6. Novel coronavirus (2019-nCoV). Ito ang pinakabago sa lahat ng coronaviruses. Ilan sa mga sintomas nito ang lagnat, ubo at shortness of breath. Ayon sa mga eksperto, marami sa mga pasyente sa Wuhan, China ang may kaugnayan sa malaking seafood at animal market na nagmumungkahing nahawa ang mga tao sa mga hayop doon.
Hindi lang sa China ang may kumpirmadong kaso ng nCoV dahil meron na rin nito sa Hong Kong, Macau, Taiwan, Australia, Cambodia, Canada, France, Japan, Malaysia, Nepal, Singapore, Thailand, South Korea, United States, Vietnam at Finland.
At ngayong meron na nito sa Pilipinas, mabuting maging mapagmatyag tayong lahat, sundin ang mga payo ng mga ahensiya ng gobyerno at iwasang magpakalat ng mga maling impormasyon nang sa gayun ay hindi ito magdulot ng pangamba sa ating mga kababayan. Gets n‘yo?





Comments