top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Butas na ba ang bulsa mo? Tips para makabawi sa malaking gastos nu’ng Pasko at Bagong Taon

Jersey Sanchez
Jan 2, 2020
2 min read

Kasabay ng isang taong lumipas ang bagong pagkakataon para ayusin o ituloy ang mga nasimulan natin sa buhay. Oks ba ang pasok ng Bagong Taon sa inyo, mga ka-BULGAR? Nag-enjoy ba kayo sa mga pinaggagawa at pinagplanuhan ninyong okasyon sa loob ng ilang buwan?

Well, siguradong marami sa atin ang naging masaya at siyempre, marami rin ang napakamot sa ulo dahil hindi nila alam kung saan napunta ang kanilang pera. He-he-he!

Kaya naman para sa mga beshy nating medyo napasubo sa gastusan at ngayon ay ‘strict na ang wallet’, narito ang ilang bagay na dapat nating gawin para makabawi:

1. I-MAXIMIZE ANG MGA NATIRANG SANGKAP. Sa pagkakataong ito, kailangan nating maging madiskarte para kaunti lamang o walang masasayang na anuman. Halimbawa, kung nakaisa o dalawang araw na sa inyo ang mga prutas na inihanda sa Media Noche, puwede itong gawing fruit salad, fruit shake at iba pa.

Siguraduhin nating naitabi nang maayos ang mga natirang pagkain o sangkap para mapakinabangan pa ito.

2. MAG-AUDIT. Ilista ang mga nagastos at pinamili sa katatapos lamang na Holiday Season. Mahalaga na naitabi ang mga resibo upang madali natin itong magawa.

Kung wala namang resibo, make sure na kaya nating magtantiya ng presyo. Ito ay dahil siguradong may nabili tayong hindi nagamit sa okasyon kahit pa sabihin na naglista tayo bago pumunta sa mga pamilihan.

3. MAGPLANO NG BAGONG PAGKAKAKITAAN. Oks na meron tayong stable na trabaho, pero aminin natin na sa laki ng nagastos natin noong nakaraang Pasko at pagsalubong sa Bagong Taon, hindi sapat ang suweldo kaya dapat mag-isip tayo ng sideline o extra income.

Halimbawa, may putahe o nailuto ka ba na pumatok sa mga bisita n’yo, why not gawin itong business? Sobrang okay ito dahil kung bumenta ito sa kanila, siguradong magugustuhan din ito ng iba.

4. UMPISAHAN ANG MGA PLANO. Gaanuman kaganda ang mga plano mo, kung hindi naman ito magagawa o hanggang drawing lang ito, wala rin. Ngayon pa lang ay simulan na natin ang mga ideya na sa isip mo lang binuo. Kung gusto mong mag-ipon, pumunta ka na sa bangko o hulugan mo na ang alkansiya mo. Kung bet mo naman magnegosyo, mag-research ka na para rito. Tandaan, mas maaga, mas malaki ang chance na magawa ang mga ito.

Huwag nang panghinayangan ang mga nagastos dahil ang importante ay nasulit natin ito dahil hindi lang tayo ang naging masaya kundi ang buong pamilya. Imbes na isumbat o paulit-ulit isipin ang mga bagay na naiwaldas na, mag-isip na lang tayo ng mga paraan para makabawi. Gets mo?

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page