Para maging masagana at suwerte ang sasalubunging taon... Mga paniniwalang Pinoy ‘pag New Year
- Twincle Esquierdo
- Dec 30, 2019
- 2 min read

Natural sa ating mga Pinoy ang salubungin ang Bagong Taon nang mayroong mga paniniwala na maghahatid sa atin ng suwerte sa loob ng buong taon. Halimbawa nito ang pagkain sa Media Noche pagsapit ng alas-12:00 ng hating-gabi na nakuha pa natin sa ating mga ninuno na hanggang ngayon ay patuloy na isinasagawa.
Pero bukod dito, anu-ano pa ang mga paniniwalang ito?
1. PAGHAHANDA NG MGA PRUTAS NA BILOG. Ang isang dosenang prutas ay katumbas ng 12 buwan o isang taon tulad ng pakwan, orange, dalandan, ubas, apple, ponkan, melon, chico, pomelo, persimmon, kiat-kiat at longan. Ang paghahanda ng ganito karaming prutas ay pinaniniwalaang nagbibigay ng suwerte para maging fruitful ang buong taon.
2. MGA PAMPAINGAY. Noon, maraming gumagamit ng mga paputok at pailaw, ngunit mula nang ipagbawal ito, naghanap ng alternatibong pampaingay ang mga tao tulad ng torotot, karaoke at malalakas na tugtugan. Ginagawa ito sa pagsalubong ng Bagong Taon upang itaboy ang mga malas sa bahay.
3. PAGHAHANDA NG MATATAMIS AT MALAGKIT NA PAGKAIN. Isa ito sa mga hindi nawawala sa hapag-kainan tuwing sasapit ang Bagong Taon dahil pinaniniwalaan nila na ang paghahanda nito ay para sa magandang samahan ng pamilya sa darating na taon, gayundin, para mabilis na kumapit ang suwerte.
4. PAGTALON NANG TATLONG BESES. Isa ito sa madalas nating marinig kahit wala pa ang Bagong Taon, lalo na sa mga kaibigan at kamag-anak natin. Madalas itong sinasabi sa mga maliliit na tao dahil naniniwala sila na tatangkad ito kapag tumalon sa Bagong Taon.
5. PAGSUSUOT NG DAMIT NA POLKA DOTS. Tuwing sasapit ang Bagong Taon, marami tayong nakikitang nakasuot ng ganito dahil naniniwala sila na magdadala ito ng suwerte, lalo na sa aspetong pampinansiyal dahil ang mga bilog dito ay sumisimbolo sa pera.
6. PAGPUPUNO NG BIGASAN AT MGA PAGKAIN. Ang pagpupuno sa lagayan ng bigas at mga pagkain sa lamesa bago sumapit ang Bagong Taon ay dapat gawin upang maging masagana sa pagkain sa buong taon at hindi ito mawawalan ng laman.
7. PAGBABAWAL NA MAGHANDA NG MANOK. Bukod sa mga pampasuwerte, may ilan ding naniniwala na bawal maghanda ng mga pagkaing may manok. Halimbawa nito ang adobong manok, fried chicken, ginataang manok at kung anu-ano pa dahil ayon sa mga nakatatanda, lilipad ang grasya at magiging isang kahig, isang tuka ang pamumuhay ng pamilya.
Ayan ang mga pinaniniwalaan nating mga pampasuwerte tuwing sasapit ang Bagong Taon na minana pa natin sa ating mga ninuno na hanggang ngayon ay ginagawa at pinaniniwalaan pa rin. Gets mo?




Comments