Mga bagay na puwedeng iregalo sa boss ngayong kapaskuhan

Minsan, naiisip natin na hindi na kailangang bigyan ng regalo ang ating mga boss dahil kung tutuusin, nasa kanila na ang lahat at afford naman nilang bumili ng mga kailangan at gusto nila tulad ng damit, sapatos, accessories at marami pang iba.
Kung kilala mo o ka-close n’yo ang boss n'yo, madali n’yo nang malalaman kung ano ang mga gusto at hilig niya. At dahil dito, magkakaroon kayo ng idea kung ano ang puwede ninyong ibigay sa kanya. Kung wala pa kayong ideya, narito ang ilang bagay na puwede n’yong iregalo kina ma’am at sir:
1. PARKER PEN. Puwede kayong magbigay ng regalo na may kaugnayan sa trabaho tulad nito dahil siguradong magagamit niya ito. Gayundin, siguradong ma-a-appreciate niya ito kung personalized o may pangalan pa niya ito. Ang cute, ‘di ba?
2. CAR COVER O SUPPORT PACK WAIST MASSAGE. Hindi lang ito pang-opisina dahil puwede rin ito sa sasakyan. Kung bibigyan ng regalo si boss, magbigay ng something na mapakikinabangan niya sa opisina o sasakyan dahil siguradong sumasakit din ang kanyang katawan dahil sa pagtatrabaho at pagmamaneho. Makatutulong ito dahil kapag nakaupo siya habang nagtatrabaho o nagmamaneho dahil nama-massage, makapagre-relax at nababawasan ang pagod niya.
3. WINE. Kung ka-close mo ang boss mo, puwede mo siyang regaluhan ng paborito niyang wine na puwede ring pagsalu-saluhan ng mga kaibigan at pamilya niya. Kung may kamahalan naman ito, puwede n’yong pag-ambagan ng mga katrabaho mo para pati sila ay may maibigay at bilang pasasalamat na rin ito sa kanya.
4. RECHARGEABLE LED NIGHT LIGHT IN STREAMER BOTTLE. Kung babae naman ang boss n’yo, puwede n’yo siyang regaluhan nito. Siguradong matutuwa siya dahil sa mayroon itong iba’t ibang designs na puwede n’yong pagpilian. May flowers, favorite animal, Santa Claus at marami pang iba.
5. PABANGO. Kung malapit sa inyo ang boss mo, siguradong malalaman mo rin kung ano ang paborito niyang pabango. Dahil halos araw-araw kayong magkakasama, siguradong naaamoy mo ito at puwede mong itanong kung ano ‘yun. Sa ganu’ng paraan, hindi ka na mahihirapang mag-isip ng perfect na panregalo sa kanya.
6. BOBBLE HEAD DOLL FROM HEAD-TO-TOE. Tinatawag din itong personalized doll dahil maliit ito at puwedeng i-display sa sasakyan, bahay o opisina. Isa ito sa mga unique na regalo dahil puwedeng-puwede mong ipagaya ang hitsura ng inyong boss. Siguradong magugustuhan niya ito dahil sino ba ang ayaw ng personalized items, ‘di ba?
Ayan mga besh, alam n’yo na ang mga puwede ninyong ibigay kina ma’am at sir. Puwede naman kayong mag-ambagan ng mga katrabaho mo para less-gastos, lalo na kung hindi mo kayang bilhin nang mag-isa ang gusto mong ibigay sa kanya. Pero kung hindi talaga afford, oks lang naman kahit pass muna dahil may next time pa. He-he-he! Copy?





Comments