top of page

No. 28, sobrang tagumpay ang kahulugan, Bulgar, mananatiling no. 1 sa 2020!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 2, 2019
  • 2 min read

Ang bilis lumipas ng panahon, hamakin mo, dalawampu’t walong (28) taon na pala ang paborito nating pahayagang BULGAR.

Sa pagkakatanda ko, 1994 nang magsimula akong magsulat ng kolum sa dating BULGAR Tonight na ang patnugot ay si Pareng Pabs Hernandez III na siya ring nag-recruit sa akin upang magsulat sa BULGAR Tonight at nang lumaon ay sa BULGAR Araw.

Noong may BULGAR Araw, may BULGAR Tonight pang ipinaglilingkod ang Sison’s Publishing House, Inc. kaya kaming mga nasa media ay halos walang tigil at walang nakakalusot na mga pangunahing balita at araw-araw kaming naglilingkod sa ating mga readers. Pero tama na muna ang nostalgia dahil baka madala lang tayo ng ating damdaming magbalik sa nakaraan, kaya dumako na tayo sa topic na Numerology.

Dahil ika-28 anibersaryo ng pahayagang BULGAR, ang tanong ay ganito: Ano ang kahulugan ng number 28? Kung ii-interpret nang magkahiwalay (parang style ni Ka Ambo), ang numerong 28 ay pinagsamang weak number na 2 at strong number na 8, kaya siya naging 28.

Samantala, ang pagpasok ng taong 2020 ay may dalawang numerong 20 o 2 na ibig sabihin ay kailangang magpakatatag ng lahat sa 2020 at magreserba ng maraming enerhiya sa kahaharaping panibago at malaking hamon sa taong ito.

Dahil ang 2020 ay may sumatutal na 4, sapagkat ang 2020 ay tinutuos nang ganito, 20+20=40/ 4+0=4, mapapaisip ka na maaaring ang numero ring ito (4) ay ang panahon ng panibagong simula. ‘Ika nga sa sikat na kasabihan, “Life begins at forty.” Ngunit sa kabila nito, may dagdag pang mas magarang kapalaran kung saan ito ang panibagong simula. Ang kakaiba rito, ang panahong ito ay may mga nakatagong sorpresa at kakaibang kapalaran na bitbit ng numerong 4 na siyang ipagkakaloob ng taong 2020.

Dahil 28 taon na ang pahayagang BULGAR, inaasahang sa 2020, maraming kakaiba at pambihirang sorpresa ng buhay ang ipagkakaloob sa ating mga mambabasa. Dagdag pa rito, sa panahon ding ito, mga sorpresa at kakaibang kapalaran din ang ipagkakaloob ng tadhana sa bawat indibidwal at sa pahayagang BULGAR.

Ang ikinaganda nito, kung pagbubutihin mo ang iyong mga ginagawa, ‘ika nga ay sinubukan mong isabuhay ang bawat araw at marami kang ginawang mga epektibong inobasyon na sumusunod o nakatugma at nakaayon sa mabilis na pagbabago ng modernong teknolohiya, sa taong ito ng 2020 at ngayong sa ika-28 anibersaryo ng pahayagang BULGAR, walang duda, malalaking mga suwerte at pambihirang magagandang kapalaran ang panigurado at tiyak mong matatamasa.

Samantala, hindi rin natin dapat kalimutan na dahil extreme ang mga numerong doble-dos o 2-2, 8, dobleng-beinte (2020) ay nangangahulugang extreme na kabiguan o tagumpay ang nakatakdang mangyari at magiging kapalaran ng bawat isa, ganundin ng pahayagang BULGAR sa pagpasok pa lang ng 2020. Kapag naman tinuos o sinuma ang numerong 28, na siyang ika28 taon ng ating pahayagan, sa basic Numerology na paraan, ang lahat ng numero ay ginagawang single-digit number, mapapansin na ang numerong 28 ay may sumatutal na 1 (28 ay 2+8=10/1+0=1). Ibig sabihin, ngayong ikadalawampu’t walong anibersaryong ito ng ating pahayagang BULGAR, lumilinaw na muli na naman tayong magiging number one, hindi lamang sa print media kundi maging sa social media venue. At sa 2020, lalong magiging no. 1 sa bawat puso ng ating mambabasa at tagasubaybay. Muli, congratulations at happy 28th anniversary sa ating lahat!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page