top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Hindi lang basta sumusulpot, may benefits din... Mushroom, epektib na panlaban sa kanser at pagtanda

  • Justine Daguno
  • Oct 19, 2019
  • 2 min read

Kilala ang mushrooms sa maraming kultura bilang “earthy flavor” na mayaman sa iba’t ibang bitamina kung saan marami tayong nutrients na makukuha sa bawat pagkonsumo nito.

Ayon sa isinagawang pag-aaral mula noong 2011 hanggang 2017, lumabas na ang mga senior citizen na kumokonsumo ng 300 grams ng cooked mushrooms kada tatlo hanggang apat na araw ay mababa ang posibilidad na magkaroon ng cognitive impairment. Ito ay mula sa partisipasyon ng mahigit 600 senior citizens.

Pero hindi lang ‘yan, dahil narito pa ang ilan sa mga health benefit ng mushrooms, raw man ito o luto na:

1. PANLABAN SA CANCER. Ayon sa pag-aaral ng Experimental Biology and Medicine, lima sa mga uri ng mushrooms (maitake, cremini, portabella, oyster at white button) ang itinuturing na “chemoprotective” o mabuting panlaban sa breast cancer. Samantala, ang shiitake mushrooms naman ay nagtataglay ng lentinan, sugar molecule na nakatutulong sa mga pasyente na sumasailalim sa chemotherapy. Gayunman, ang lentinan ay hindi mismong nakapupuksa sa cancer cells kundi napababagal nito ang paglaki o pagdami ng tumor at napalalakas ang immune system ng pasyente.

2. PAMPALAKAS NG RESISTENSIYA. Bukod sa lentinan na taglay ng shiitake, karamihan sa mga mushroom ay may taglay na beta-glucan. Ito rin ay sugar compound na nakatutulong para mapalakas ang resistensiya ng indibidwal, partikular ang mga pasyenteng kagagaling o nagre-recover pa sa sakit.

3. PAMPABABA NG CHOLESTEROL. Sa pangkalahatan, bawat uri ng mushroom ay napatunayang cholesterol-free. Ayon sa pag-aaral ng International Journal of Medicinal Mushrooms, napatunayan na ang pink oyster mushrooms ay epektibong pampababa ng cholesterol o LDL (“bad” cholesterol).

4. PAMPATIBAY NG BUTO. Ang mushrooms ay ilan lamang sa food sources ng Vitamin D, ito ay fat-soluble vitamin na nakukuha sa init ng araw, partikular sa umaga. Cremini mushrooms ang “ultimate source” ng Vitamin D. Mayaman din ito sa Vitamin B12 na nakatutulong para madaling maka-absorb ng calcium ang katawan para magkaroon ng bone growth.

5. PANLABAN SA PAGTANDA. Ayon sa research, ang bawat uri ng mushrooms ay nagtataglay ng dalawa sa mga uri ng antioxidants o anti-aging properties, ang ergothioneine and glutathione. Gayunman, nagbabago ang dietary content ng mushrooms, depende sa uri nito. Samantala, wild porcini mushrooms naman ang may pinakamataas na content ng mga nabanggit na antioxidants.

Hindi lang pala halaman na basta na lang sumusulpot sa kung saan-saan ang mushrooms dahil ito rin ay halaman na may “nutritional superpower” dahil ang bawat uri nito ay may kani-kanyang magandang dulot sa ating katawan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page