Mahirap magsisi sa huli, besh... Mga dapat isipin bago bumili ng bahay
- Justine Daguno
- Oct 3, 2019
- 2 min read

Pangarap ng karamihan sa atin ang magkaroon ng sariling bahay, ‘yung tipong kapag “bucket list” ang pagbabasehan, madalas, ito ang nasa unahan.
Pero tandaan, na ang kagustuhang makabili ng bahay at pagiging ready nang makabili nito ay magkaibang bagay.
Maraming tao ang gustong bumili ng bahay kahit hindi pa sila financially prepared kaya ang ending, labu-labo ang plano. Kaya ang tanong, kailan natin masasabing ready na tayo sa pagbili o pagkakaroon ng sariling bahay?
1. MERON KANG PANG-DOWN PAYMENT. Isa ito sa mga bagay na dapat nating ikonsidera sa planong bumili ng bahay. Pero ang problema, ‘yung iba, inuuna pa ang target location, model ng unit, amenities at iba pa kesa sa down payment. Well, wala namang masama, pero wa’ ‘wenta ang location, model, amenities na ‘yan kung hindi mo rin naman makukuha ang deal. Kaya ipun-ipon muna ‘pag may time!
2. SETTLED NA ANG UTANG MO. Bago bumili ng bahay, siguraduhin mo munang wala ka nang atraso. ‘Ika nga, okay lang mag-invest, pero dapat unahin nating magbayad ng utang para hindi magpatung-patong ang interest. Isa pa, nagkalat ang mga judgemental at baka maging instant topic ka pa na may pambili ng bahay, pero walang pambayad ng utang kaya magbayad muna ng ‘outstanding credit’, sa banko man ‘yan o sa tao. Ganern!
3. KAYA MONG TAPUSIN ANG PAGBABAYAD NITO. Ang pagbili ng bahay ay hindi natatapos sa pagbabayad lang ng down payment. Kung seryoso kang magkaroon ng bahay, make sure na may sapat kang pera para ma-settle o mabayaran ang kabuuang halaga nito, gayundin ang expected cost tulad ng covering appraisals, inspections at iba pa. Kaya mahalaga na habang nagpaplano ay nag-iipon na ng malaking halaga, take note, malaking halaga!
4. MERON KANG PINAGKAKAKITAAN. Kung hindi ka ipinanganak na mayaman tapos wala ka pang negosyo o stable na trabaho, hindi mapasasaiyo ang dream house mo. Kaya kung kasama sa bucket list mo ang ‘sariling bahay’, ngayon pa lang ay maghanap ka na ng solid na trabaho o mag-isip ka na ng mapagkakakitaan mo.
5. PAGOD KA NANG MANGUPAHAN. ‘Yung feeling na every month, kapag nag-aabot ka ng pay rent, eh, ang sakit sa puso kasi kikita naman ang landlady mo habang ikaw ay natatapyasan ng kayamanan. Aruy! Well, kung may ipon ka o sapat ang finances mo at feeling mo, panahon na para bumilli ng sariling bahay dahil sa anumang rason mo, why not?
6. WALA PA SA PLANO MO ANG MANIRAHAN SA IBANG BANSA. Kung wala pa sa plano mo ang manirahan sa ibang bansa sa loob ng lima hanggang 10 taon, go na! Pero, kung tawag talaga ng tadhana, puwede mo itong gawing negosyo basta ang mahalaga, matapos mong bayaran para hindi matengga o bawiin sa’yo.
Tandaan, na ang pagbili ng bahay ay maituturing na panibagong chapter ng buhay kaya bago ito pagplanuhan, siguraduhing ready ka na sa lahat ng aspeto — mentally, emotionally at siyempre, financially, maging wais tayo sa pera, huwag basta gumastos lalo na kapag hindi naman kailangan, bigyang-halaga natin ang pera kahit barya. Isa pa, habang tumatagal, lalong nagmamahal ang presyo nito kaya kung oks ka naman sa mga nasabi natin, push mo na ‘yan! Gets mo?




Comments