Simple lang, besh, dapat meron ka sa bahay ng mga ito... Iba’t-ibang solusyon sa pagsusuka
- Justine Daguno
- Sep 26, 2019
- 2 min read

May iba’t ibang dahilan kung bakit nakararamdam ng pagsusuka ang tao. Puwedeng may kinalaman sa pagbubuntis, side -effect ng medication o sintomas ng sakit.
Anuman ang dahilan, huwag mag-alala dahil narito ang ilang natural na paraan para maremedyuhan ito:
1. GINGER. Para maibsan ang pagsusuka, ngumuya ng maliit na piraso ng pinatuyong luya. Maaari itong gawin nang tatlo hanggang apat na beses kada araw. Kapag walang luya, puwedeng gamiting alternatibo ang ginger candy. Para sa mga buntis, may pag-aaral na makabubuting luya ang gamitin kapag nakararamdam ng pagduduwal dahil bukod sa epektibo, ito ay natural at ligtas kaysa sa ibang mga gamot tulad ng dramamine.
2. CRACKERS. Karamihan sa atin ay nakararamdam ng pagsusuka sa hindi malamang dahilan, lalo na sa umaga. Kapag nakaranas ng ganito, kumain ng plain crackers dahil ito ang pangunahing pangremedyo sa “morning sickness”.
3. MAG-TAKE NG VITAMIN B6. Ang kakulangan sa Vitamin B6 ay isa sa mga dahilan kung bakit tayo nakararamdam ng pagsusuka. Ang Vitamin B6 ay isa sa walong uri ng Vitamin B na tumutulong sa katawan para sa maayos na metabolismo ng red blood cells, nervous system, resistensiya ng katawan at marami pang iba. Ito ay kadalasang makukuha sa mani, karne, ilang prutas at gulay. Meron ding mga nabibiling over-the-counter at maaaring mag-take ng 25 hanggang 50 mgs. nito nang dalawang beses sa isang araw.
4. ESSENTIAL OIL. Bukod sa nakapagpapakalma ang essential oil, natural din itong nakapagpapawala ng pagsusuka, partikular ang peppermint, grapefruit o spearmint essential oil. Para magamit ito, maglagay ng ilang patak nito sa tissue o sa malinis na tela saka bahagyang idampi sa ilong. Gawin ito nang ilang ulit hanggang sa tuluyang bumuti ang pakiramdam.
5. HERBAL TEA. Narito ang recipe para makagawa ng “anti-nausea tea”:
Maghanda ng isang kutsaritang chamomile, 1/2 kutsarang peppermint, 1 kutsaritang catnip, 1 kutsarang basil, isang kutsaritang durog na fennel seeds at 1/2 kutsaritang halaman na marjoram.
Magpakulo ng dalawa hanggang tatlong baso ng tubig saka paghaluin ang mga ito. Pagkatapos, salain ang mga sangkap sa pinakuluang tubig saka ito inumin.
Ang tsaa na ito ay tinatawag ding antispasmodic herbs na makatutulong para maibsan ang paghilab ng tiyan at makatutulong din para sa mga hirap matunawan.
Ilan lamang ito sa mga home remedy para sa pagsusuka kaya next time, kapag “feeling nausea” ka, alam mo na ang gagawin.
Pero tandaan na makabubuting magpakonsulta sa doktor, lalo na kapag may iba pang kakaibang nararamdaman dahil hindi tayo sigurado kung sintomas na ito ng ibang sakit.
Gets mo?




Comments