‘Wag gastos nang gastos... MGA DAPAT ISIPIN BAGO BUMILI

AYON sa executive director ng Ecology Center sa Berkeley, California na si Martin Bourque, madalas tayong bumili ng gamit, lalo na ‘yung mga trendy at mura dahil sa endorphin rush na nagdidikta sa ating bumili ng bagong bagay. Pero, sey ni Mary Jo DiLonardo, senior writer at editor sa Mother Nature Network, bago tayo bumili ng kahit na ano, i-consider muna natin kung talaga bang kailangan natin ito. Sa ganitong paraan, makatitipid at makatutulong pa tayo sa environment.
Sey ng experts, bago bumili, tanungin muna ang sarili ng mga simple, pero makatwirang bagay.
1. KAILANGAN MO BA? Sey ni DiLonardo, bago ka bumili, pag-isipan mo munang mabuti kung kailangan mo ba o kung gusto mo ba talaga ‘yung bagay na ‘yun, lalo na kung mayroon ka pa naman? Halimbawa, may cellphone ka, pero luma na tapos naglabas ng bagong version na mas maganda ang camera quality na pang-selfie. Isipin mo muna, super-duper, kailangan mo na ba talagang magpalit ng cellphone? Kung ang eagerness mong bumili ay hindi naman ganu’n katindi, i-save mo na lang ang pera mo para sa mas mahahalagang bagay.
2. MATIBAY BA? Madalas, kapag matibay ang bagay at pang-lifetime quality, asahan mo nang may kamahalan ito. Kayo lang naman ang hindi matibay kaya kahit mahal mo, hindi naging pang-lifetime, aww! Parang love lang kasi ‘yan, beshy! Hindi puwede ‘yung one-sided. Dapat mahal mo, tapos mahal ka rin. Kung susugal ka sa mahal tapos hindi naman matibay, sayang lang ang pera mo, ‘di ba? ‘Ika nga nila, kailangan mo ng smart purchases para makapag-save ka ng pera, time at effort.
3. RECYCLABLE BA? Ilang tonelada na ba ang basurang mayroon sa ‘Pinas? Ayon sa isinagawang pag-aaral ng Solid Waste Management Office (SWMO) ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), taong 2017, naitalang umabot sa 29,645.44 cubic meters kada araw ang basurang nakukuha sa Metro Manila. Habang lumilipas ang mga araw at taon, padagdag nang padagdag ang mga tao kaya mas malala na ngayon ang problema sa basura.
Kung bibili tayo para palitan ang mga gamit nating sira o luma na, piliin natin ‘yung mga puwedeng mai-recycle para kung masira man, hindi sa tambakan ng basura ang bagsak kundi sa mas magandang produkto.
Now we know, mga, ‘tol! Kaya ‘wag din tayong basta-basta bumili ng mga anik-anik. Kailangan din nating ikonsidera ang maraming bagay sa mga simpleng desisyon.
Okay?





Comments