Imbes na makatulong, lalo pang lumala? PAGGAMIT NG MGA PAMPAPUTI, NAKAKAITIM NG KILIKILI!
- Justine Daguno
- Aug 17, 2019
- 2 min read

TULAD ng pagkakaroon ng pimples, hindi rin nakakatuwa ang magkaroon ng maitim na kilikili dahil nalilimitahan nito ang mga bagay na puwede mong gawin sa buhay. ‘Yung tipong kahit summer, hindi ka makapag-sleeveless, tapos super conscious ka kapag nagko-commute o lumalabas ng bahay kahit dedma naman sa iyo ang mga tao.
Naku, problema talaga ‘yan ng karamihan. Well, para matulungan ka sa bagay na ito, inilista namin ang ilan sa mga karaniwang dahilan kung bakit umiitim ang kilikili:
1. MALING HYGIENE. Pagwa-wax, pag-aahit, pagpa-pluck o pagbubunot ng mga buhok ang ilan sa mga nakasanayan nating gawin para mapanatiling ‘hygienic’ ang ating kilikili. Pero, alam n’yo bang sanhi rin ito ng pangingitim nito? Madalas umiitim ang kilikili dahil sa “post-inflammatory pigmentation” kung saan natural na nagkukulay ang balat kapag nairita o nakararanas ito ng allergy o trauma.
2. PAGGAMIT NG MGA PAMPAPUTING PRODUKTO. Normally, kapag gumagamit tayo ng anumang produkto, tapos hindi ito tumugma sa ating balat, ito ay namumula at kalauna’y mangingitim na. Kaya dapat tayong mag-ingat, lalo na sa mga produktong may sangkap na pampaputi dahil puwede itong maging sanhi ng iritasyon sa balat. Mayroong mga whitening ingredients na harsh sa balat. Kapag makati o mahapdi na ang inyong balat sa mga ginagamit na produkto, itigil na kaagad ito.
3. DEODORANT AT ANTIPERSPIRANT. Tulad ng pagwa-wax, pag-aahit at pagbubunot ng buhok sa kilikili, ang deodorant o antiperspirant ang madalas nating ginagamit sa paniniwalang makatutulong ito para hindi magkaroon ng mabahong amoy ang ating kilikili. Pero dahil sanhi rin ito ng pangingitim ng underarm, importanteng maging maingat sa pagbili at paggamit nito. Kaunti lang ang i-apply sa balat at hayaan muna itong matuyo bago magsuot ng damit.
4. SOBRANG PAGPAPAWIS. Ang sobrang pagpapawis ay dahilan din ng pangingitim ng kilikili dahil sa friction. Kapag may ginagawa tayong mabibigat na aktibidad, normal na pagpawisan tayo kaya kung hindi ito maiiwasan, mahalaga na palagi tayong may baong tuwalya o tissue para ipunas dito nang sa gayun ay hindi ito mababad sa pawis.
5. GENES. Puwede mong sisihin ang nanay o tatay mo kung bakit maitim ang iyong kilikili. Ito ay dahil sa excess na melanin na kadalasang nakukuha ng tao sa genes niya mismo.
Sa ngayon, napakaraming DIY at home remedies ang puwede ninyong subukan para sa inyong maitim na kilikili, lalo na kapag wala ka talagang budget na ipa-derma ito. Responsibilidad natin ang ating sarili kaya dapat natin itong alagaan. Gawin natin ito hindi lang para maging maganda o kaaya-aya sa paningin ng iba kundi para magkaroon din ng kumpiyansa sa sarili. Copy?





Comments