Kahit pa sa kaibigan, kakilala o kapamilya, besh... IBA‘T IBANG BAGAY NA DAPAT TANDAAN BAGO MAGPAUTA
- Justine Daguno
- Aug 8, 2019
- 2 min read

MAGKAIBA ang “hiram” sa bigay, lalo na sa usapang pampinansiyal. Naranasan n’yo na ba ang mautangan tapos hindi kayo nabayaran? Naku, ang sakit sa ulo n’yan, ‘yung tipong imbes na ‘yung nangutang ang hindi makatulog, pero ikaw ‘yung araw-araw na nag-iisip kung ano na ang nangyari sa pera na ipinautang mo, hays! Kaya para huwag na itong maulit pa, narito ang ilang mga bagay na dapat mong tandaan bago ka magpautang:
1. MAG-ALOK MUNA NG IBANG TULONG. Huwag kaagad basta maglabas ng pera, obserbahan ang sitwasyon, pera ba talaga ang kailangan niya o baka puwedeng charity muna? Minsan, hindi pera ang palaging solusyon sa lahat ng problema. May “other options”, ‘ika nga. Halimbawa, may kumare ka na nanghihiram ng pera para sa bonggang birthday party ng anak niya, kapag may time, puwede kang mag-volunteer na lang sa preparasyon nito, ‘yung tipong magpahiram ka na lang ng mga gamit o kapag may maganda kang gown, i-offer o ipahiram mo. Mas oks gawin ‘yun kaysa magpautang tapos wala kang ideya o hindi ka sigurado kung kailan niya maibabalik.
2. IPAHIRAM LAMANG ANG PERA NA SOBRA SA BUDGET MO. Siyempre, bago ka magpautang, dapat safe muna ang budget mo sa pamasahe, pambaon ng anak at asawa mo at iba pa hanggang sa sumuweldo ka. Kahit pa sabihing maibibigay naman niya “agad”, mahirap na dahil baka sa huli, ikaw ang ma-short sa gagawin mo.
3.HUWAG KALIMUTANG GUMAWA NG KASULATAN. Ayon sa mga financial advisor, gaanuman kalaki ang halaga na ipauutang mo, dapat mayroong kasulatan sa pagitan ninyo. Ito ay para walang kalimutan dahil sa panahon ngayon, bawat sentimo ay mahalaga kaya hindi na uso ‘yung “paglilista ng utang sa tubig”. Sabihan ka man niyang OA, okay lang dahil kung ayaw niya, huwag siya umutang, ganern!
4. KILALANIN ANG TAONG PAHIHIRAMIN NG PERA. Gaano mo ba kakilala ang taong pauutangin mo? Sa tingin mo ba, may kakayahan siyang mabayaran ang utang niya o baka may history siyang hindi marunong magbayad? Huwag kang mag-alala, oks lang maging judgemental, kasama ‘yan sa sistema ng bawat isa. Ang punto, dapat hindi tayo basta nagtitiwala pagdating sa pera, sa kakilala, kaibigan, katrabaho o kapamilya man ‘yan kahit P100 lang ang hihiramin niya, aba, wala tayong mapupulot na ganu’ng halaga sa kalsada.
5. HARAPIN AGAD ANG MGA PROBLEMA. Kapag oks ka na sa apat na nauna at handa ka nang maglabas ng pera, i-set mo ang iyong sarili. Linawin mo sa kanya kung kailan niya dapat ibalik ang kanyang nahiram.
Kapag lumipas ang ilang linggo at buwan, huwag kang mahiyang ipaalala sa kanya. Huwag mong hayaang umabot ito ng taon. Siguro, wala ‘yun sa “kasulatan”?
Ang pagpapautang ay para ring pangungutang, malaki ang responsibilidad mo rito, pero, hindi para sa iba kundi sa sarili mo, lalo na kapag may bagay kang inilalaan sa perang ipinahiram mo.
Kailangan maging matalino tayo sa aspetong ito, hindi natin sigurado kung nakatutulong tayo o baka hindi natin alam, nanto-tolerate na pala tayo sa mga taong “habit na ang mangutang”.




Comments