Hindi lahat natututunan sa school... TIPS PARA MAGING STREET-SMART ANG MGA BATA
- Justine Daguno
- Jul 18, 2019
- 2 min read

HINDI sa lahat ng oras ay nakakasama natin ang ating mga anak, maraming pagkakataon na sarili lang nila ang kanilang maaasahan. Marahil, karamihan sa atin ay pamilyar sa paalalang, “huwag kang makipag-usap sa taong hindi mo kilala.”
Walang masama sa pagiging nice, pero hindi tayo dapat nagtitiwala kaagad dahil hindi porke nginitian ka, mabuting tao na siya. Kaya bago pa mabiktima ang inyong anak, narito ang mga paraan para maturuang maging street-smart ang mga bata:
1. SHOW THEM HOW TO BE AWARE. Puwede natin silang isama sa palengke, grocery store, Simbahan at iba pang lugar. Habang bata pa ay sanayin natin sila sa lugar na maraming tao at ipaliwanag natin ang lugar na ito nang sa gayun ay matutunan nilang maging aware saanmang lugar sila mapunta.
2. PRACTICE THEIR MEMORIZATION SKILLS. Importanteng magaling ang bata sa pagkilala ng mga tao na kanilang nakasasalamuha. Halimbawa, itanong o ipa-describe natin sa kanila ang hitsura ng kanilang teacher, classmate, kaibigan, security guard sa school, driver ng school service at iba pa. Sa pagkakataong ito, matututunan nilang kilalanin o tandaan ang mga taong nakakasama nila, araw-araw.
3. TALK TO THEM. Mahaba o maiksing usapan man kasama ang inyong anak ay mahalaga dahil ito ang chance natin para magbigay ng mga advice sa kanila, magkuwento ng mga experience natin sa kalsada o mga modus na napanood natin sa TV, narinig sa radyo o nabasa sa diyaryo.
4. SHOW THEM HOW TO GET HELP. Ito ‘yung mga simpleng bagay o impormasyon na dapat nilang malaman, lalo na kapag may emergency tulad ng police hotline, phone number ng bawat miyembro ng pamilya at iba pang importanteng numero. Gayundin, dapat alam nila kung kanino magtatanong ng direksiyon kapag nasa lugar sila na hindi pamilyar.
5. GO BEYOND STRANGER DANGER. Karamihan sa atin ay pamilyar sa “stranger danger” o “don’t talk to stranger”, ibig sabihin, ‘wag basta kumausap ng taong hindi kilala. Maraming nagkalat na masasamang-loob na nakaayos nang disente o ‘yung tipong hindi mo mapagkakamalang gagawa ng mali. Mahalagang malaman nila na hindi lahat ng tao sa paligid ay mapagkakatiwalaan.
6. TEACH THEM TO ALWAYS ASK FOR PERMISSION. Dapat matutunan ng mga bata na magpaalam kapag may mga lakad o pupuntahan sila kasama ang kanilang mga kaibigan o saanman sila pumunta, lalo na kapag sa public places. Make sure lang na idaraan ito sa maayos na usapan para hindi nila ma-feel na hinihigpitan o paranoid tayo sa kanila.
7. TRUST YOUR KIDS. Ito ang pinakaimportante dahil anuman ang mangyari, kailangang may tiwala tayo sa kanila. Hindi mananatiling bata ang inyong mga anak, habang tumatagal magkakaroon sila ng sariling ideya kung paano mabuhay. Magtiwala tayong magiging responsable silang indibidwal para matutunan nilang magtiwala sa kanilang sariling kakayahan.
Sa totoo lang, mabuti nang handa kaysa may pagsisihan. Walang may alam kung kailan magkakaroon ng hindi magandang sitwasyon, kaya dapat palaging ready ang bawat isa, bata man o matanda. Copy?




Comments