top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

NBTC ALL-STAR GAME, TAMPOK ANG 24 HIGH SCHOOL BALLERS

A. Servinio
Jul 16, 2019
2 min read

PORMAL na nilagdaan ang kasunduan ng pakikipagtulungan ng National Basketball Training Center (NBTC) at Phenom Sportswear sa ilulunsad ngayong buwan na Phenom NBTC 24, ang kakaiba ay masinsin na programa na ang pakay ay tuklasin at kilalanin ang 24 pinakamagagaling na manlalaro ng high school sa buong Pilipinas. Ang mapipiling 24 na kabataan ay lalahok sa susunod na NBTC All-Star Game na bahagi ng NBTC National Finals na nakatakda para sa Marso, 2020.

Lalong lalawak ang sakop ng programa dahil maliban sa NCAA, UAAP at Cebu Schools Athletic Foundation, Inc. (CESAFI), kandidato na rin ang mga manlalaro sa mga liga ng paaralang Filipino-Chinese at mga liga sa ibang lalawigan. Magbubuo ng isang pangkat ng mga eksperto upang suriin at markahan ang mga manlalaro tuwing ikalawang linggo.

Noong 2018, itinanghal si Kai Zachary Sotto ng Ateneo de Manila University bilang numero unong manlalaro at pumangalawa si Joel Diomar Cagulangan ng La Salle Green Hills at pumangatlo si Carl Tamayo ng Nazareth School of National University matapos ang huling talaan ng mga marka. Si Sotto ay nagpasya na umalis sa ADMU upang tingnan ang mga alok sa kanya ng mga koponan sa Europa at paaralan sa NCAA ng U.S. habang nasa unang taon sa kolehiyo si Cagulangan sa De La Salle University at maglalaro ng isa pang taon si Tamayo para sa Bullpups.

“Ang panalo rito ay ang national team at mga kolehiyo dahil hindi na sila maghihirap na maghanap ng talento at nandiyan na sa harap nila,” wika ni Coach Anton B. Altamirano ng NBTC. Bilang tugon, nagpasalamat si Jackson Chua ng Phenom sa pagkakataon na ibinigay sa kanila ng NBTC at nais nilang bigyan ang lahat ng manlalaro ng pantay na pagkakataon na mapansin.

Habang tinatamasa ng NCAA at UAAP ang malawakang pagpapalabas sa telebisyon, hindi ito puwedeng sabihin para sa ibang mga liga. Sa 24 na huling napili, isa lang ang galing CESAFI na si #14 Joshua Yerro ng University of Visayas at dalawang galing sa Filipino-Chinese schools na sina #7 Harvey Pagsanjan ng Hope Christian Academy at #24 Rafael Go ng Chiang Kai Shek College.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page