Shout sa mga parent diyan na low budget... TIPS PARA MATUTONG MAG-BUDGET SINA BAGETS
- Ronalyn Seminiano Reonico
- Jul 15, 2019
- 3 min read

NAPAKAHIRAP mag-budget lalo na kung hindi ka marunong gumastos, mag-save at kumita ng pera kaya sa mga tropa nating parents diyan, narito ang mga tip para maturuan natin ang ating mga chikiting sa tamang paggastos at pagma-manage ng pera lalo na ngayong pumapasok na sila sa eskuwela:
1. INTRODUCE THE CONCEPT OF MONEY. Ang pagpapaunawa sa mga chikiting sa halaga ng pera ay makatutulong para malaman nilang hindi dapat basta-basta gumastos. Maaaring hayaan silang humawak ng maliliit na halaga bilang pasimula.
2. GET A PIGGY BANK OR SAVING JAR. Ang pagbibigay sa kanila ng mga piggy bank ay makatutulong din, ngunit, sey ng experts, mas okay ang clear jar para makita ng mga bata ang progreso ng kanilang pag-iipon. Ang paglalagay sa kanilang piggy bank o saving jar ng kahit 10% ng kanilang baon araw-araw ay maaaring maging habit na madala nila hanggang sa paglaki.
3. LET THEM EARN. Ang summer jobs ay nakatutulong sa mga youngster na matutunan ang halaga ng pagnenegosyo at hardwork. Para ihanda ang mga chikiting sa ganitong yugto ng buhay, mainam kung tuturuan natin silang gumawa ng ilang gawaing-bahay kapalit ng maliit na halaga, hindi ito allowance kundi komisyon na mailalagay nila sa kanilang piggy bank o clear jar. Makatutulong ito para maunawaan nilang ang pera ay pinagpapaguran at kinikita, hindi ‘yung dating lang nang dating. Kung wala tayong sapat na budget para sa masisipag nating chikiting, makatutulong din ang pagbibigay sa kanila ng rewards tuwing nakakukuha sila ng mataas na grado sa paaralan. Sa paraang ito, mas lalo nilang pagbubutihin ang kanilang pag-aaral.
4. SHOW THEM THAT THINGS COST MONEY. Sa panahon ngayon, napakahirap kumita ng pera at bawat kibot ay may kaakibat na kailangang gumastos. Kung isasama natin ang mga bagets sa pamimili natin sa mga mall at hahayaan silang malaman ang katumbas na halaga ng gusto nilang bilhin, halimbawa ay laruan at gagastusin nila ang laman ng kanilang piggy banks para rito, malalaman nila at magiging mulat sila na ang pera ay madaling gastusin, ngunit, mahirap ipunin o kitain. Maganda rin kung sila mismo ang magbabayad sa tindahan o cashier dahil sey ng experts, ang ganitong paraan ay mas magkakaroon ng impact sa bata.
5. SET AN EXAMPLE. Ang mga chikiting ay natututo base sa mga halimbawang ipinakikita sa kanila ng mga nakatatanda, lalo na ng kanilang mga magulang. Habang bagets pa sila, maganda kung ipaaalam natin sa kanila na magkakaiba ang presyo ng mga bilihin at turuan natin sila nang matalinong pamimili. Makatutulong din kung tuturuan silang magtabi ng pera para sa kanilang future.
6. TEACH THEM CONTENTMENT. Dahil open na open ang internet sa lahat, pati mga bagets, aware na ang mga kabataan sa paggamit nito, maging sa mga nakikita nilang online products. Hindi maikakaila na uso ang payabangan ng mga bagets na magkakaklase. Dahil dito, may posibilidad na maengganyo silang gastusin ang ipon nila at bumili ng mga bagay na hindi nila kailangan, ngunit, kung tuturuan natin silang maging kuntento sa mga bagay na mayroon sila at kung ituturo natin sa kanila ang konsepto ng needs vs. wants, matututo silang gumastos nang maayos.
7. STRESS THE IMPORTANCE OF GIVING. Sa sandaling natutunan ng bata ang pag-iipon ng pera, maganda kung tuturuan natin silang matuto ng kahalagahan sa pagbibigay at pagtulong sa kapwa na galing sa sarili nilang pera. Sa ganitong paraan, mararamdaman nilang hindi lamang sarili nila ang dapat nilang pag-ipunan kundi pati na rin ang mga nangangailangan. Magbibigay ito sa kanila ng inspirasyon para pagbutihin at pagsikapan ang pag-iipon ng pera.
Oh, ayan, mga ‘tol, habang bata pa sila, sanayin na natin silang mag-ipon para sa kanilang kinabukasan. Okay?





Comments