top of page
Pokwang.jpg

3X3 BALANGA AT ISABELA TEAM TULOY ANG KAMPANYA SA CHINA

A. Servinio
Jun 28, 2019
1 min read

PATULOY ang lakbay ng Pilipinas patungo sa 3X3 ng 2020 Tokyo Olympics sa paglahok ng tatlong koponan – Pasig, Balanga at ang baguhang Isabela ng Chooks – sa mga malaking torneo sa mga darating na araw.

Unang sasabak ang Balanga at Isabela sa FIBA 3X3 Challenger sa Haining, Tsina mula Hunyo 29 hanggang 30 habang darayo ang Pasig sa isa pang Challenger sa Poitiers, Pransiya mula Hulyo 5 hanggang 6.

Pasok na ang Balanga sa main draw ng Haining kung saan haharapin nila ang mga bigating koponan na Liman ng Serbia, ang kasalukuyang #2 sa FIBA ranking at ang Sosnovy Bor ng Rusya na #30 sa buong mundo.

Dahil unang pagkakataon nilang sumali, daraan muna ang Isabela sa qualifying round sa unang araw ng torneo kung saan kailangan nilang talunin ang Sukhbaatar at Taikhar na parehong kinatawan ng Mongolia upang makapasok sa main draw kung saan naghihintay sa kanila ang dalawa pang pambato ng Rusya na #8 Gagarin at #21 Moscow Inanomo.

Ang mga manlalaro ng Balanga ay sina Alvin Pasaol, Karl Dehesa at Chris De Chavez habang inaasahan na babalik ang kanilang import na si Travis Franklin galing sa U.S. Sina Franky Johnson, Roosevelt Adams at import Marcus Hammonds ang pambato ng Isabela pero isasama si Gab Banal bilang kapalit ni Troy Rike na naglaro na para sa Pasig sa Kunshan Challenger noong Mayo. Hindi pa tiyak kung sino ang mga makalalaro ng Pasig sa Poitiers pero pasok na rin sila agad sa main draw dahil sa kanilang mataas na FIBA rank na #27. Ang numero unong koponang Pinoy ay bubuuin nina Joshua Munzon, Taylor Statham, Dylan Ababou at import Nikola Pavlovic.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page