Shoutout sa mga beshy natin diyan na mahilig humiram ng pera... TIPS PARA MAKAIWAS SA PANGUNGUTANG
- Justine Daguno
- May 23, 2019
- 2 min read

SABI nila, ang pera ay sobrang madaling ubusin, pero napakahirap kitain.
Kasabay ng kaliwa’t kanang taas-presyo ng mga bilihin, hindi maiiwasan ang paghiram o pangungutang ng pera para lamang matugunan ang iba’t ibang pangangailangan ng pamilya.
Gayunman, bagama’t, hindi madaling gawin, mas oks pa rin kapag wala tayong utang o ‘yung tipong payapa tayong makatutulog dahil wala tayong iniisip. Kaya, narito ang ilang tips para sa mga gustong maging “debt-free” riyan:
1. SET GOALS. Ang kawalan ng plano o goals sa buhay ang isa sa mga dahilan kaya nalulubog sa utang ang marami. Hangga’t maaari ay magkaroon tayo ng solid na ideya para sa ating pera.
2. WAIT TO BUY. Huwag maging “impulsive buyer” o mamimili na hindi pinag-iisipan ang mga bagay na binibili. Kung gusto nating makaiwas sa pangungutang, maging responsable tayo sa paghawak ng pera.
3. USE CASH. Sa totoo lang, convenient ang credit card, lalo na kapag nasa mall o travel tayo dahil sakto kaagad sa bill o wala nang sukli-sukli at kung minsan, may perks pa. Pero, tandaan na sobrang nakate-tempt ang paggastos kapag ito ang ginamit. Gayunman, makabubuti kung cash na lang ang ating dadalhin kapag may lakad tayo nang sa gayun ay hindi tayo masyadong mapasubo sa paggastos.
4. FIND INEXPENSIVE ALTERNATIVES. Makabubuti kung magiging creative tayo sa lahat ng bagay, ‘yung tipong hangga’t kaya nating mag-DIY, eh, ‘yun na lang muna ang gawin. Maaari tayong mag-explore sa internet para mas makakuha tayo ng magagandang ideya. Isa pa, kung hahanap tayo ng mga alternatibo sa mga bagay na ating gusto, posible na malaki ang matipid at maging malaki ang ating ipon.
5. HAVE A GOOD ATTITUDE. Naniniwala ba kayo sa Law of Attraction o ‘yung tipong kung ano ang iniisip mong nangyayari ay ‘yun ang mangyayari? Well, kung marunong tayong magpahalaga sa bawat barya sa ating bulsa, malamang, magiging maganda rin ang balik ng pera. Halimbawa, kapag may sobra sa ating pera, walang masama kung magdo-donate tayo sa mga Simbahan o charity, sabi nila, kapag naging mabuti raw tayo sa iba, eh, magiging mabuti rin ang universe sa atin. Malay mo naman, ‘di ba?
6. CREATE AN EMERGENCY FUND. Ayon sa pag-aaral ng GOBankingRates, kinakailangan na ang bawat pamilya ay mayroong emergency fund. Malaki ang maitutulong nito, lalo na sa mga hindi inaasahang mga gastusin. Sa pagkakataong ito, maiiwasan nating gamitin ang pera sa savings dahil may back-up tayo.
7. DON’T BOOST YOUR BUDGET. Anuman ang mangyari, dapat stick lang tayo sa budget. Halimbawa, kapag maggo-grocery o may handaan, kung ano ang nasa listahan o napagplanuhan ‘yun lang ang gagastusin kahit pa sabihing minsan lang ang okasyon ay huwag tayo magpapadala sa mga ganitong katwiran dahil posible natin itong makasanayan.
Marahil, marami ang sanay umutang dahil sa palagay nila ay makababayad din sila sa takdang panahon. Gayunman, tandaan natin na maraming puwedeng paraan upang maiwasan ang pangungutang.
Kinakailangan nating habaan ang ating pasensiya at lawakan natin ang ating pang-unawa sa mga bagay-bagay nang sa gayun ay matutunan nating kontrolin ang sarili sa oras na natutukso tayo.
Gets mo?





Comments