Shoutout sa mga magulang na dehins gets ang anak… DAHILAN KUNG BAKIT NAHIHILIG MAGLARO NG MOBILE GAM
- Ronalyn
- Apr 30, 2019
- 2 min read

LUKSONG tinik, luksong baka, palosebo, pitik-bulag, patintero, piko, tumbang-preso, bagsak at agawan base. Mga laro noon na tila pinag-isa ng mga nakaa-addict na mobile games ngayon na kahit sino at kahit saan ay puwede nang makapaglaro. Iba-iba mang uri ng laro, iisa lang ang layunin ng bawat player, ang makabuo at makapagpalago ng mga armas o skill para matalo ang iba pang player. Bakit nga ba nahihilig maglaro ng mobile games ang mga kabataan?
Ayon kay Dr. Camille Garcia, isang Psychologist, nahihilig maglaro ang mga kabataan ng mobile games dahil one-click-away lang ito ay may bago na silang kaibigan. Sa ganitong pagkakataon, nakararamdam sila ng “feeling of appreciation.” Sa eskuwelahan, napakatagal bago ka makahanap ng kaibigan, kung minsan ay mabu-bully ka pa sa klase. Ang mga kabataang nakatatanggap ng social pressure ay nakararamdaman ng sense of belongingness sa paglalaro. Iba rin ang epektong nagagawa ng mga “achievement” na natatanggap nila tuwing nananalo. Nakapagbibigay ito sa kanila ng sense of fulfillment kung saan pakiramdam nila ay magaling sila.
Ayon sa ilang kabataan, ang mobile games ay masayang pang-bonding ng pamilya at magkakaibigan. Gayundin, itinuturing nilang ehersisyo ang paglalaro dahil nakapagpapabilis ito ng reflexes at nakatutulong para maging mahusay sila sa problem solving dahil sa pag-iisip, pagpaplano at paggawa ng strategy para matalo ang kalaban. Sa pamamagitan ng paglalaro ng mobile games, nakararamdam sila na mayroon silang na-accomplish sa tuwing nananalo sila.
Ngunit, sa kabila ng milyun-milyong Pilipinong naglalaro ng mobile games na mayroong iba’t ibang kadahilanan, mayroon din namang tutol sa mga larong ito.
May mga kabataang tutol sa larong ito dahil sa kanilang karanasan. Ayon sa kanila, ninanakaw ng mobile games ang panahon nila kung saan hindi na nila namamalayang matagal na silang nakatutok sa screen dahil sa pagkalibang.
Dagdag pa ni Dr. Camille, ang paglalaro ng mobile games ay hindi masama unless pumasok na ang addiction na maaaring makapagdulot ng pagbabago sa ugali ng tao dahil nawawalan na siya ng self- control at nakalilimutan na niya ang kanyang responsibilidad sa buhay.
Ito rin ay nakaaapekto sa kalusugan ng mga kabataan at ang pagtutok sa cellphone ay nakasisira ng mga mata, lalo na kung wala itong proteksiyon. Nakasisira rin ito sa pag-aaral dahil kadalasan ay napupunta nang lahat sa paglalaro ang oras ng mga kabataan na resulta ng pagbagsak nila sa kanilang pagsusulit.
Hindi bawal ang maglaro o maglibang, ngunit, dapat lang na ilagay natin sa tamang lugar at tamang panahon. ‘Ika nga, may tamang panahon para sa lahat ng mga bagay. Hindi mo na maibabalik ang nakalipas at ang mga oras na nasayang. Sa halip na iisipin kung paano ka mananalo sa mobile games, mas magandang pagtuunan ng pansin kung paano mo maaabot ang iyong mga pangarap, para sa totoong buhay, panalo ka!
Okidoki?





Comments