top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

200K deboto, dumagsa sa Pista ng Itim na Nazareno

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 9, 2023
2 min read

ni Lolet Abania | January 9, 2023



Mahigit sa 200,000 deboto na ang na-monitor sa Quiapo Church hanggang katanghalian ngayong Lunes sa Pista ng Itim na Nazareno, ang tradisyunal na okasyon kung saan dinadagsa ng mga tao, bago pa ang COVID-19 pandemic.


Ayon sa mga opisyal ng Quiapo Church, mula alas-12:00 ng hatinggabi hanggang ala-1 ng hapon, nasa kabuuang 228,650 devotees na ang nagpunta sa Quiapo Church, habang nasa 121,930 deboto naman sa Quirino Grandstand.


Sinabi ni Manila Police District (MPD) chief Police Brigadier General Andre Dizon sa GMA News na wala namang insidente ng krimen na nai-report sa partikular na mga lugar hanggang ngayong tanghali.


“Up to this time, zero crime incident po tayo sa areas ng Quirino Grandstand, Quiapo Church at Walk of Faith route,” ani Dizon sa isang mensahe.


Batay sa Quiapo Church, nagsagawa na sila ng oras-oras na Misa sa simbahan simula pa alas-12:00 ng hatinggabi. Habang ang huling Misa ay gaganapin ng alas-11:00 ng gabi.


Ilang deboto ang piniling manatili na ng ilang oras sa mahabang pila sa Villalobos Street habang naghihintay silang makapasok at makadalo ng hourly Mass.


At dahil sa limitado ang espasyo sa simbahan, ang ilan ay nakikinig na lamang sa mga speaker na inilagay sa labas ng simbahan sa Plaza Miranda. May ilan ding LED screens na inilatag sa mga piling lugar sa paligid ng simbahan para ang mga deboto ay makapanood naman ng Misa.


Maraming deboto naman ang nagdala ng kani-kanilang replika ng Itim na Nazareno sa Misa, na mula sinlaki ng palad hanggang sa halos life size nito.


Mayroon ding mga street performers, kabilang na ang mga fire dancers na nag-e-entertain sa mga deboto, na may kasamang drum accompaniment habang nagpe-perform ang mga ito.


Nagkalat naman ang mga vendors sa paligid ng simbahan na nagbebenta ng Black Nazarene souvenirs gaya ng towels, shorts, mga imahe, mga kuwintas, at iba pa.


Samantala, ilang deboto ang dinala sa medical assistance tents matapos na makaramdam ng pagkahilo at high blood pressure.


Ayon sa Quiapo Church, 59 deboto sa ngayon ang binigyan ng medical assistance habang nag-oobserba sa Pista ng Itim na Nazareno.


Patuloy naman ang pulisya at mga volunteers na nagbabantay sa mga entry at exit points upang maisaayos ang daloy at dagsa ng mga tao sa simbahan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page