- BULGAR
20% ng jeepney drivers sa NCR, tigil-pasada na
ni Ryan Sison - @Boses | June 23, 2022
Tigil-pasada ang 20% ng mga jeepney driver sa Metro Manila, hindi bilang kilos-protesta kundi dahil halos wala nang kinikita ang mga ito dahil pa rin sa non-stop oil price hike.
Bukod sa patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo, mataas na rin umano ang presyo ng maintenance ng mga jeep. Kaya’t gustuhin mang bumiyahe, kung tutuusin ay wala ring maiba-boundary ang drayber.
Ayon kay PISTON national president Mody Floranda, sa araw-araw na pamamasada nang halos 18 oras, nasa P200 hanggang P300 lamang ang naiuuwi ng mga jeepney driver, kaya halos hindi rin naramdaman at hindi nakatulong ang inaprubahang P1 dagdag-pasahe.
Habang tigil-pasada ang ilang tsuper, ang iba naman ay suma-sideline para may dagdag-kita. Literal na doble-kayod para lang maitawid ang mga pangangailangan.
Sa totoo lang, nakakalungkot dahil talagang hindi na kaya ang pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Kaya gustuhin mang maghanapbuhay ng ilan, mailap ang pagkakataon. Kumbaga, no choice kundi matengga o maghanap ng iba pang pagkakakitaan kahit suntok sa buwan.
Suko na talaga ang mga tsuper, kaya ang ending, mas kaunti ang mga pumapasadang jeep, na naging dahilan naman ng panibagong problema ng mga komyuter dahil naging mas mahirap ang pagbiyahe. ‘Ika nga, domino effect at talagang ramdam ng publiko ang hirap.
Bagama’t naniniwala tayo sa gobyerno na masosolusyunan pa ito, panawagan natin, bilis-bilisan naman ang aksyon. Sa pagkakataong ito, pangmatagalang solusyon ang kailangan natin.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com