top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

2 Yrs. kulong, P300k multa sa pekeng info sa SIM registration

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 9, 2023
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | September 9, 2023


Maaaring maharap sa pagkakulong ang sinumang naglagay o nagbigay ng maling detalye at impormasyon sa ipinatutupad na SIM card registration sa bansa.


Ito ang naging babala ni National Telecommunications Commission (NTC) Commissioner Jon Paulo Salvahan, matapos ang mga report na tinanggap ng SIM enrollment system hinggil sa larawan ng isang unggoy o monkey sa isinagawang registration kahit na dumaan sa kanilang screening process.


Ayon kay Salvahan, inatasan na ng NTC ang mga telco companies na magsumite ng data ng mga katulad na insidente at alamin ang anumang mapanlinlang o fictitious registration upang makagawa ng kaukulang hakbang, kasabay ng pagbuo nila ng technical working group para

palakasin ang mga implementing rules and regulations ng batas.


Ang mapapatunayang indibidwal na nagbigay ng maling detalye at impormasyon ng pagpaparehistro sa SIM card ay posibleng makulong mula 6 na buwan hanggang 2 taon o multa mula P100,000 hanggang P300,000.


Giit ng Salvahan na sa ilalim ng ating batas, kung nagbigay ng mali o fictitious information o kaya ay gumamit ng fictitious identity o fraudulent ID para irehistro ang kanilang SIM, puwede silang makulong.


Binalaan din niya ang mga indibidwal laban sa pagbebenta ng mga pre-registered SIM, dahil ang unauthorized transfer ng mga SIM sa isa pang indibidwal ay maaaring mabilanggo sa pagitan ng 6 na buwan at 6 na taon o multa na mula P100,000 hanggang P300,000.


Mahusay ang gagawin ng kinauukulan laban sa mga indibidwal na namemeke ng kanilang mga detalye at impormasyon sa pagpaparehistro ng SIM card.


Tila hindi kasi masyadong natututukan ang batas patungkol sa SIM card registration, kaya marami pa rin ang mga scammers na namamayagpag habang may mga nakakalusot na ganitong insidente.


Pero dahil sa posibleng maharap sa parusang kulong ang mga pasaway, pihadong matatakot na silang gumawa ng anumang kalokohan.


Sa ating mga kababayan, sana ay seryosohin natin ang naturang batas at matutong sumunod dito.


Sa halip na balewalain, isipin natin na mas makabubuti ito para sa atin dahil baka sa pagsuway natin ay ito pa ang magpahamak sa atin.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page