2 Pinay na galing Cambodia, huli... P56.6M shabu sa kape, nasamsam
- BULGAR

- 2 hours ago
- 1 min read
ni Gina Pleñago @News | May 9, 2026

Photo: Ang mga drogang nasamsam sa dalawang Pinay na galing Cambodia nang dumating sa Airport noong Miyerkules. (Gina Pleñago)
Nabuko ng mga ahente ng Bureau of Customs ang P56.6 milyong halaga ng hinihinalang shabu na nakatago sa mga pakete ng kape at bagahe kung saan naaresto ang dalawang Pinay na dumating mula sa Cambodia, nitong Miyerkules sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1, Pasay City.
Nadiskubre ng mga otoridad ng Avsegroup at BOC-Port of NAIA, sa pakikipagtulungan ng Philippine Drug Enforcement Agency at mga katuwang na law enforcement unit, ang humigit-kumulang 8,324 gramo ng hinihinalang shabu, na nakatago sa mga improvised pouch na may linya ng carbon paper at packaging tape.
Nasamsam ang kontrabando na may tinatayang halaga na P56,603,200.
Pinasalamatan ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang mga tauhan ng BOC-NAIA at Inter-agency Drug Interdiction Task Group sa pagbabantay sa mga kahina-hinalang may dalang ilegal na droga.
Sasailalim sa confirmatory testing sa PDEA Laboratory Service ang mga droga, habang inihahanda ang mga proseso ng inquest laban sa mga suspek para sa paglabag sa Section 4, Article II ng Republic Act No. 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Pinagtibay muli ni District Collector Atty. Yasmin Obillos-Mapa na patuloy na hinihigpitan ng BOC-NAIA ang mga kontrol at pinahuhusay ang koordinasyon sa mga kasosyong ahensya upang harangan ang pagpupuslit ng droga sa bansa.




Comments