top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Search-and-rescue, tapos na… 2 missing passengers, natagpuan – PCG

Writer: BULGAR
BULGAR
Aug 27, 2022
2 min read

ni Lolet Abania | August 27, 2022



Natapos na ang paghahanap sa dalawang nawawala umanong sakay ng nagliyab na MV Asia Philippines, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG) ngayong Sabado.

Sa ginawang beripikasyon ng PCG, natuklasan nila na ang pinaghahanap na mga pasahero ay ibang oras ang biyaheng sinakyan at hindi rin ang barkong nasunog.


Sinabi ng PCG na alas-5:00 ng hapon ang sinakyan ng dalawang pasahero at hindi alas-3:00 ng hapon na oras naman na bumiyahe ang MV Asia Philippines.


Una nang nakita sa manifesto ng barko ang pangalan ng dalawang pasahero, subalit hindi matagpuan sa mga survivors, kaya ipinagpalagay ng mga awtoridad na nawawala ang mga ito.


Ayon sa PCG, all accounted for ang lahat ng pasahero at crew members na may kabuuang bilang na 85.


Nasa 47 ang mga pasahero, kabilang dito ang isang babae na nasugatan, habang 38 naman ang mga crew members na sakay ng barko.


Bago rito, isang search and rescue operation ang isinagawa ngayong Sabado ng umaga sa dalawang nawawalang pasahero ng naturang RORO vessel na nasunog nitong Biyernes sa port ng Batangas.


Ayon kay PCG spokesperson Commodore Armand Balilo sa isang interview, ligtas na ang lahat ng sakay ng barko maliban sa pinaghahanap na dalawang pasahero na natagpuan din kalaunan, kung saan ibang oras ang sinakyang biyahe at hindi ang barkong nagliyab.


Sinabi rin Balilo na ang lahat ng 16 sasakyan na nasa cargo area ay intact, habang wala ring nai-report ang mga environment officials ng anumang oil spill incident sa ngayon.


Dagdag pa ni Balilo na ang nagliyab na barko ay na-tow o naalis na sa port ng Batangas.


Ang barko ay nagliyab sa katubigan ng Batangas port, pasado alas-5:00 ng hapon nitong Biyernes.


Nanggaling ang RORO vessel sa Calapan, Mindoro at nakatakdang mag-dock o dumaong sa Batangas port.


Ayon pa kay Balilo, patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa naging sanhi ng nasunog na barko.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page