- BULGAR
2 kauna-unahang kaso ng Omicron subvariant BA.2.75, naitala — DOH
ni Lolet Abania | August 2, 2022

Nakapagtala ang bansa ng kauna-unahang 2 kaso ng Omicron subvariant BA.2.75 o kilala sa tawag na “Centaurus,” batay sa anunsiyo ng Department of Health (DOH) ngayong Martes.
Sa isang press briefing, sinabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na ang dalawang indibidwal ay nagpositibo sa test para sa BA.2.75 sa Western Visayas, base sa latest genome sequencing run.
Ayon kay Vergeire, kapwa ang mga pasyente ay itinuturing nang nakarekober.
Sa dalawang kasong ito, isa sa kanila ay partially vaccinated habang ang isa pa ay unvaccinated.
Sinabi naman ni Vergeire, ang kanilang exposure sa virus, travel histories, at health status ay bineberipika pa ng mga awtoridad.
Una nang sinabi ni infectious disease expert Dr. Rontgene Solante na ang BA.2.75 ay maaaring mas transmissible kumpara sa ibang mga subvariants at posibleng may kakayahan itong i-evade ang kasalukuyang COVID-19 vaccines.
Sinang-ayunan ito ni Vergeire, subalit giit ng kalihim, wala pang pag-aaral na nagpapakita na ang BA.2.75 ay maaaring magdulot ng severe diseases.
“Apparently, based on studies and experience of other countries, this is more transmissible and this also has more immune evasion compared to the BA.5. Pero wala pa siyang ebidensya na ito ay nakaka-cause ng more severe infections,” saad ni Vergeire.
Ayon naman kay Vaccine Expert Panel (VEP) chief Dr. Nina Gloriani, ang kasalukuyang booster doses kontra sa COVID-19 ay nananatiling effective laban sa BA.2.75.
Ang BA.2.75 ay unang nag-emerge sa India noong Mayo habang kumalat na rin sa iba pang mga bansa gaya ng United States, Britain, Australia, at the Netherlands.
Itinuturing naman ng World Health Organization (WHO) ang BA.2.75 bilang isang “variant under monitoring.”