2 karera ang inihanda ng Clark sa PRURide PHL
ni Anthony E. Servinio @Sports | March 26, 2023

Babalik matapos ng apat na taon ang isang mas pinalaking PRURide Philippines. Ngayon, hindi lang isa kundi dalawang karera ang gaganapin sa Clark, Pampanga sa Mayo 21 at Cebu City sa Mayo 28.
Tampok muli ang Gran Fondo kung saan maaaring lumahok ang lahat na mga antas ng mga siklista sa 100, 60 o 30 kilometro. Oorasan ang lahat at gagawaran ng medalya ang mga magtatapos subalit malinaw na hindi ito karera na pabilisan.
Ang PRURide PH 2023 ay bahagi ng paggunita ng ika-175 taon ng PRULife. Dahil dito, nagdaos ng 1.75 kilometrong parada ng mga bisikleta sa Bonifacio Global sa opisyal na paglulunsad ng karera noong Biyernes ng umaga.
Asahan na maglalatag ng mga ruta na ligtas at kakayanin ng lahat lalo na ang mga pamilya. Para sa Cebu, dadaan ang mga siklista sa bagong Cebu-Cordova Link Expressway Bridge na may habang 8.9 kilometro.
Makakasama muli sa kalsada ang mga PRURide Ambassadors Gretchen Ho, Zoren Legaspi at Kuya Kim Atienza. Ayon kay PRULife EVP Allan Tumbaga, wala muna ang kinagawian na karera para sa propesyunal at pambansang siklista subalit nasa plano na ibalik ito sa hinaharap.
Bukas na ang pagpapalista online sa www.prulifeuk.com.ph/en/pruride2023. Lahat ng lalahok ay bibigyan ng unipormeng pangtaas ng siklista at may pagkakataon na magwagi sa raffle para sa mga kagamitan sa bisikleta at isang bakasyon sa London, Inglatera para sa pamilya na apat.
Huling ginanap ang PRURide PH noong Mayo, 2019 sa Subic Bay at Bataan kung saan nanaig si Marcelo Felipe ng Pilipinas kontra sa malaking pulutong ng mga banyagang siklista sa tatlong araw na karera. Sinundan ito ng Gran Fondo na umakit ng mahigit 3,000 kalahok at umaasa na hihigitan ito ngayong 2023.





Comments