2 ginto at 6 pang medalya, sinikwat ng Phl Kun Bokator
- BULGAR
- Apr 10, 2023
- 1 min read
ni Gerard Arce @Sports | April 10, 2023

May tamang panahon pang nalalabi para sa Philippine national Bokator upang mas mapaghandaan pang maigi ang preparasyon sa darating na 32nd Southeast Asian Games kasunod ng matagumpay na partisipasyon sa nagdaang first Kun Bokator Championship 2023 sa Phnom Penh, Cambodia noong isang linggo.
Ito ang inilahad ni Pilipinas Sambo Federation Inc. President at SEA Games Deputy Chef-de-mission Paolo Tancontian na unang pagkakataon na sumabak ang national squad sa bagong combat sport event na ilalatag ng host country sa darating na Cambodian meet simula Mayo 5-17 sa capital city.
Nag-uwi ng anim na medalya ang lahat ng atletang ipinadala sa traditional martial arts sport ng Cambodia na unang beses na lalaruin sa biennial meet kabilang ang dalawang gintong medalya na ibinulsa nina Alyssa Kylie Mallari at Rhichien Yosorez sa magkahiwalay na event.
Naibulsa ni International Federation of Muaythai Association (IFMA) Youth World Championships double gold medalists Mallari ang titulo sa Bokator Spirit Performance, habang nadale ni Yosorez ang kampeonato sa Gold Barehand performance.
Silver medal naman si Johnden Aldana Jr. sa men’s 55kg combat at ang tatlong bronze medals mula kina Vietnam SEA Games champion Islay Erika Bomogao sa women’s combat 45kg, Jeilord Alvarez sa male combat 60kg at Orlando Castillo Jr. sa male combat 65kg.
“May time at panahon pa tayo para makapaghanda at makapag-ensayo. Tingin ko malaki ang pag-asa ng bansa na magwagi ng medals sa Cambodia,” pahayag ni Tancontian na kasama niya bilang opisyales si Muay Association of the Philippines (MAP) secretary-general Pearl Managuelod at head coach Ace Larida sa kompetisyon. “Napakagaling ng performance nila, at sa tingin ko eh mas may igagaling pa ang mga ito.”








Comments