2 dagdag na EDSA Busway stations, binuksan na ng DOTr
ni Lolet Abania | August 4, 2022

Pormal nang binuksan sa publiko ng Department of Transportation (DOTr) ang Roxas Boulevard at Taft Busway Stations ng EDSA Busway Project.
Ang EDSA Busway project ay isang magkatuwang na gawain ng DOTr, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Department of Public Works and Highways (DPWH).
“Dito po sa DOTr hindi po tayo titigil. Mag-iisip tayo ng paraan para magkaroon po ng accessible, affordable, convenient and safe travel para sa ating lahat,” saad ni DOTr Secretary Jaime Bautista.
Ayon sa DOTr, ang proyekto ay mayroong dedicated na median lane para sa mga bus na may ginawang stations sa median island, na nagbibigay ng mas episyenteng paglalakbay habang maiiwasan ang sagabal sa mga connecting streets, driveways, commercial centers at curbside drop-off points.
Dahil dito, mababawasan din ang travel time mula Mall of Asia sa Pasay City patungong Monumento sa Caloocan na mula 2-3 oras ay magiging 1 oras at 30 minuto na lamang.
Pinuri naman ni Bautista ang kanilang private at government partners sa kanilang suporta para sa ligtas at komportableng pagbibiyahe ng mga commuters.
“Ako po ay nagpapasalamat sa lahat ng tumulong para ito ay maganap. Unang una sa MMDA. Nagpapasalamat din ako sa DPWH. Sila po ay instrumental para maitayo itong additional bus stations natin,” pahayag ni Bautista.
“Nagpapasalamat din ako kay LTFRB (Land Transportation Franchising and Regulatory Board) [chairperson] Garafil sa mga ganitong additional facilities para maibsan ang hirap ng ating mga mananakay,” dagdag pa niya.





Comments