2 binatilyo, nag-cutting classes, huli sa droga
ni Lolet Abania | October 24, 2022

Dalawang 15-anyos na binatilyo ang nadakip dahil sa posesyon ng hinihinalang marijuana sa loob ng Quezon City Memorial Circle (QCMC) matapos na mag-cutting classes ang mga ito ngayong Lunes.
Sa report ng GMA News, bandang alas-11:00 ng umaga, hinuli ng mga guwardiya ng QCMC ang dalawang menor-de-edad matapos na isang informant ang nakakita sa mga ito na magsasagawa umano ng pot session sa lugar.
Ayon sa informant, nang sisindihan na ng dalawang estudyante ang hinihinalang marijuana, nagkunwari siyang bibili ng pagkain.
Agad itong ipinaalam ng informant sa mga guwardiya ng QCMC, na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga menor-de-edad.
Tumanggi namang magsalita ang dalawang binatilyo tungkol dito. Gayunman, sinabi ng isa sa kanila na nakita lamang nila ang hinihinalang marijuana sa loob ng QCMC at hindi nila ito binili.
Ini-report din ng dalawang minors na magkapitbahay lamang sila subalit naka-enroll sa magkaibang paaralan.
Nabatid naman ng mga awtoridad na nag-cutting classes ang dalawang estudyante at nagpunta sa QCMC para magpalipas ng oras.
Ang dalawang menor-de-edad, na nakatakdang iproseso, ay dinala na sa QC Police District Station 11.





Comments