- BULGAR
2-anyos na lalaki, pinakabatang may COVID, nahawa sa ama
ni Lolet Abania | September 13, 2020

Isang 2-anyos na lalaki ang pinakabatang naitalang nagpositibo sa Coronavirus sa Butuan City. Ayon sa record ng Department of Health (DOH) sa Caraga, mayroong 30 bagong kaso na infected ng virus sa rehiyon at kasama rito na kumpirmadong tinamaan ng COVID-19 ang batang lalaki dahil nahawa sa asymptomatic na tatay na kasalukuyang nasa isang quarantine facility.
Umabot na sa kabuuang bilang na 368 ang may Coronavirus sa Butuan City, kung saan 169 ang nakarekober at 15 ang namatay. Sa Barangay Libertad ang may pinakamaraming kaso na pito na tinamaan ng virus.
Samantala, dahil sa patuloy na pagtaas ng nagkakaroon ng COVID-19 sa Butuan City, inirekomenda ng mga health officials sa lugar ang pagkakaroon ng zonal containment strategy para makatulong na makontrol ang local transmission ng sakit.
Magkasama ang Regional Task Force against Covid-19 One Caraga Shield (RTF-COCs) at si Butuan Mayor Engr. Ronnie Vicente C. Lagnada sa ipapatupad na zonal containment strategy na sinimulan na sa pagkakaroon ng granular lockdown sa mga lugar na may mataas na bilang ng virus. Patuloy din ang isinasagawang testing sa mga residente.