2-1 na ang Celtics, dinale ang Warriors sa Game 3
ni Anthony E. Servinio - @Sports | June 10, 2022

Naitala ng Boston Celtics ang mahalagang panalo sa bisitang Golden State Warriors, 116-100, sa Game 3 ng 2022 NBA Finals kahapon mula sa TD Garden. Umakyat ang Celtics sa seryeng best-of-seven, 2-1, sa pagbabalik ng NBA Finals sa lungsod sa ika-22 pagkakataon at una mula 2010.
Dominado ng Celtics ang laban at humataw sa 54-36 lamang bago tapusin ang first half na may nakakalulang 68 kumpara sa 56 ng Warriors. Nagawang humabol ng Golden State sa third quarter at saglit tinikman ang abante matapos ang three-points ni Stephen Curry, 83-82, subalit sinagot ito ng tres ni Marcus Smart at dalawang free throw ni Jayson Tatum, 87-83, at mula roon ay inalagaan ng Boston ang lamang.
Hindi pa tapos sina Smart at Tatum at parehong nagtala ng tig-8 puntos sa fourth quarter. Nag-shoot ng dalawang free throw si Jaylen Brown para itakda ang huling score at pinalipas ng dalawang koponan ang last 2 minutes na walang puntos.
Nanguna sa Boston si Brown na may 22 ng kanyang kabuuang 27 puntos sa first half. Sumunod sina Tatum na may 26 at Smart na may 24 puntos. Nasayang ang 31 puntos ni Curry buhat sa anim na tres. Sinuportahan siya ni Klay Thompson na may 25 puntos at Andrew Wiggins na may 18 puntos.
Nakatakda ang Game 4 ngayong Sabado ng umaga, oras sa Pilipinas, muli sa TD Garden. Sisikapin ng Celtics na lalong idiin ang Warriors at kunin ang 3-1 lamang at kailangan na lang ng isa pang panalo upang na mauwi ang kanilang ika-18 tropeo na magiging pinakamarami sa 75-taon kasaysayan ng liga.
Tabla ang Celtics at matinding karibal ang Los Angeles Lakers sa 17 NBA World Championship. Lahat ng mga kampeonato ng Celtics ay nilaro sa Boston habang hati ang 17 ng Lakers sa lima sa Minneapolis, 11 sa Los Angeles at ang huli noong 2020 sa loob ng bubble sa Orlando, Florida.
Laro ngayong Sabado – TD Garden 9:00 AM Golden State sa Boston.





Comments