- BULGAR
2.1 M bagong botanteng nakarehistro – Comelec
ni Lolet Abania | July 22, 2022

Ipinahayag ng Commission on Elections (Comelec) ngayong Biyernes na nalampasan pa ang kanilang target na bilang para sa mga bagong registered voters.
Ayon kay Atty. John Rex Laudiangco, umabot sa mahigit dalawang milyon ang bagong nakarehistrong mga botante hanggang nitong Hulyo 20.
“As of July 20, ito pong ating 15th day of registration, lagpas-lagpas na po tayo sa ating projected target, umaabot na po sa 2,119,878 ang ating mga nagpatala na bagong botante,” ani Laudiangco sa public briefing.
“Noong una po ang inaasahan lang natin based on historical records ay aabot lamang sa humigit-kumulang isang milyong bagong magpapatala, lumagpas na po tayo doon,” dagdag niya.
Sinabi ni Laudiangco na sa naturang bilang, may kabuuang 1,325,415 ang nasa edad 15 hanggang 17 habang 680,497 naman ang 18 hanggang 30-anyos.
May kabuuang 112,966 ang nasa 31-anyos at pataas.
Tatagal ang voter registration ng hanggang Hulyo 23.