1st title defense ni Magsayo, tatapatan si Vargas ng Mexico
ni Gerard Arce - @Sports | March 11, 2022

Pinaplantsa na ang pagtatapat nina dating WBC super-bantamweight titlist Rey Vargas ng Mexico at Filipino WBC Featherweight champion Mark “Magnifico” Magsayo sa darating na Hulyo na paniguradong ilalatag ng Premier Boxing Champions (PBC) sa oras na maisapinal na.
Ito ang magiging unang pagkakataon para sa unbeaten Filipino champ na si Magsayo (24-0, 16KOs) na maidepensa ang korona matapos maagaw ang titulo kay dating long-time 126-pound title holder na si Gary Russel Jr. ng U.S. noong Enero 22 sa New Jersey.
Nauna ng inanunsiyo ni WBC President Mauricio Sulaiman na opisyal na makakatapat ng 26-anyos mula Tagbilaran, Bohol ang 31-anyos mula Otumba, Mexico na may kartadang undefeated 35-0 at 22 knockouts, sa isang tradisyunal na pagpupulong sa mga local media, ipinahatid na lang ng 52-anyos na Mexican businessman at sports administrator kay Victor Silva, ang naturang mensahe kay Vargas. “Mark Magsayo is a bigger fighter (than Russell), but he’s smarter more so than just (relying on) power,” pahayag ni Vargas sa Boxingscene.com. “Magsayo is very smart in the ring.”
Matagal na natengga ang karera ng Mexican boxer nang tumigil ito ng mahigit dalawang taon laban kay Tomoki Kameda ng Japan noong Hulyo 13, 2019 para sa junior featherweight title, ngunit nagdesisyong magbalik laban nitong Nobyembre 6, 2021 laban kay Leonardo Baez na nagresulta sa unanimous decision victory sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada.
Nagkaroon ng broken leg injury at COVID-19 pandemic kung kaya’t 28 buwan na hindi nakalaban si Vargas sa kanyang return bout sa undercard ng Saul ‘Canelo’ Alvarez-Caleb Plant sa Showtime Pay-Per-View undercard match.
Nakakuha ng title shot si Magsayo ng patulugin nito si Julio Ceja ng Mexico via 10th round KO noong Agosto 21 sa undercard match nina Manny Pacquiao at Yordenis Ugas na nagdaan para makalaban si Russel Jr. ngayong taon.





Comments