- BULGAR
1st Leg Triple Crown, trending ang largahan
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | May 9, 2022
Trending sa social media ang magaganap na 1st Leg Triple Crown Stakes Race na ilalarga sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite sa Mayo 15.
Inaasahang mahigpit ang magiging bakbakan ng anim na tigasing batang kabayo sa distansiyang 1,600 meter race. Ayon sa komento ng ibang mga karerista, tiyak na magpapakitang-gilas si Gomezian na rerendahan ni class A rider OP Cortez.
"Malakas na laban 'yan pero ako kay Gomezian ako lalagay, siguradong may buti at batak na rin sa laban," saad ni Manny Tolentino, veteran karerista.
May guaranteed prize na P3.5M ang ibang kalahok ay sina Basheirrou, Don Julio, Enigma Uno, Jungkook at Radio Bell na gagabayan ni dating Philippine Sportswriters Association, (PSA) Jockey-of-the-Year awardee Jonathan Hernandez.
"Tingin ko sina Radio Bell at Basheirrou ang mahigpit na karibal ni Gomezian," ani Rodelio Villanueva, dehadista.
Hahamigin ng unang kabayong tatawid sa meta ang P2.1M, kukubrahin ng 2nd placer ang P787,500, habang tig-P437,500 at P175,000 ang iuuwi ng 3rd at 4th sa event na suportado ng Philippine Racing Commission (PHILRACOM). Tatanggap din ang winning breeders ng P175,000 (1st), P105, 000 (2nd) at P70,000 (3rd).
Samantala, pakakawalan din sa nasabing araw ang "Hopeful Stakes Race” kung saan may limang kabayo ang nominado sa 1,600 meter race. Nasa listahan ng mga magtatagisan ng bilis ay sina Pharaoh Bell, Brother Son, Ipolitika, Sophisticated at Tinago Falls.
Paglalabanan ang P1.5M na guaranteed prize, ikakalat ito sa unang kabayong tatawid sa meta kung saan P900,000 ang makakamit ng mananalo.