1M doses ng bivalent COVID-19 vaccines, darating sa bansa – DOH
ni Lolet Abania | January 19, 2023

Mahigit sa isang milyon doses ng bivalent COVID-19 vaccines na donasyon sa pamamagitan ng COVAX facility at ng iba pang mga bansa ang inaasahang darating sa Pilipinas sa mga susunod na buwan, ayon sa Department of Health (DOH) ngayong Huwebes.
Sinabi ng DOH na ang naturang batch ng mga darating na vaccines, lahat ito ay donasyon at hindi pa kabilang dito iyong nakatakdang i-procure ng gobyerno.
“While the procurement process of the bivalent vaccines are still ongoing, the DOH is in continuous coordination for the donations through the COVAX facility and other countries. We are expecting more than 1M doses to arrive in the coming months, depending on the negotiations,” pahayag ng DOH sa isang Viber message sa mga reporters.
Binanggit din ng ahensiya na sa ngayon, wala pang bivalent vaccines na in-administer sa bansa.
Una nang ibinunyag ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, noong nakaraang taon, na nag-isyu na ang Food and Drug Administration (FDA) ng emergency use authorization (EUA) para sa bivalent vaccines ng Moderna at Pfizer.
Plano naman ng DOH na gawing available ang bivalent vaccines sa bansa sa unang quarter ng 2023.
Sa kasalukuyan, may 73.8 milyong Pinoy na ang fully vaccinated laban sa COVID-19, habang 21.2 milyon ang nakatanggap ng kanilang booster shots.





Comments