193 XBC variant cases, naitala… 81 bagong kaso ng COVID-19 Omicron XBB subvariant
ni Lolet Abania | October 18, 2022

Nakapagtala ng 81 kaso ng bagong COVID-19 Omicron XBB subvariant at 193 kaso ng XBC variant, ayon sa Department of Health (DOH) ngayong Martes.
Sa isang press briefing, sinabi ni DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire na ang 81 kaso ng XBB ay na-detect sa dalawang rehiyon.
Aniya, 70 sa mga kaso ang nakarekober na, 8 ang nananatili sa isolation, habang ang status ng 3 iba pa ay bineberipika. Wala naman sa kanila ang nasawi.
Batay sa paunang pag-aaral, sinabi ng DOH na ang XBB sublineage, “shows higher immune evasion ability than BA.5.” Nasa ilalim rin ito ng Omicron subvariants na mino-monitor ng World Health Organization (WHO), kabilang na ang BA.5, BA.2.75, BJ.1, BA.4.6, at BA.2.3.20.
Binanggit naman ni Vergeire na ang Omicron XBB subvariant ang naging dahilan ng COVID-19 spikes sa Singapore at iba pang mga bansa.
“Mula po sa Singapore Ministry of Health, wala pa pong sapat na ebidensya ang magpapatunay na nagdudulot ng mas malubhang sakit ang panibagong subvariant na ito,” pahayag ni Vergeire.
Samantala, nakapag-record din ng 193 kaso ng XBC variant sa 11 rehiyon.
Sa naturang bilang, ayon kay Vergeire, 5 indibidwal ang namatay.
Aniya, 176 naman ang nakarekober na, nasa 3 ang sumasailalim sa isolation, habang ang resulta ng iba ay tinutukoy pa.
Sinabi ni Vergeire na ang XBC ay isang “variant under monitoring and investigation” na klinasipika ng United Kingdom Health Security Agency.
“Sinasabi na recombinant ng Delta at BA.2 variant ang XBC variant. Katulad ng XBB variant, hindi pa kumpleto ang ebidensya at walang ebidensya pa rin na tumutukoy na mas malubhang sakit ang maidudulot nito,” aniya.
Ayon pa kay Vergeire, ang DOH, katuwang ang iba pang government agencies, ay patuloy na nagpapatupad ng four-door strategy laban sa COVID-19.





Comments