ni Lolet Abania | May 25, 2022
Labing-siyam na bata at dalawang guro ang nasawi sa naganap na mass shooting sa isang elementary school sa Texas, USA nitong Martes.
Sa report ng Reuters, kinilala ng mga awtoridad ang suspek na si Salvador Ramos, 18-anyos, na una nang pinagbabaril ang kanyang lola na himalang nabuhay.
Mabilis na tumakas ang suspek sakay sa kanyang kotse, kung saan bumangga naman ito malapit sa Robb Elementary School sa Uvalde, Texas. Dito ay walang habas na pinagbabaril ng suspek ang mga batang estudyante at guro na ikinasawi ng mga biktima, habang napatay din si Ramos ng mga rumespondeng pulis.
Batay sa pulisya, hindi pa malinaw ang motibo ng suspek sa ginawang krimen. Sinabi ni Texas Department of Public Safety (DPS) Sergeant Erick Estrada sa CNN, nakita nila ang suspek na nakasuot ng body armor nang lumabas mula sa nabangga niyang sasakyan.
May bitbit itong baril na nagawang makapasok sa gusali, saka pinaputukan ang eskuwelahan na nagresulta ng pagkamatay ng mga biktima.
Natigil lamang ang pamamaril ng suspek nang tamaan ito ng pulis na kanya ring ikinamatay. Kaugnay nito, nanawagan na si US President Joe Biden sa kanyang mga kababayan na manindigan at labanan ang tinatawag na “politically powerful” US gun lobby.
Aniya, ito ang dahilan kung kaya hindi maipasa ang mas mahigpit na batas sa pagmamay-ari ng armas. Iniutos din ni Biden na ilagay sa half-staff araw-araw ang bandila ng Amerika hanggang sa Sabado bilang pagluluksa sa nangyaring trahedya.
“As a nation, we have to ask, ‘When in God’s name are we going to stand up to the gun lobby?’” pahayag ni Biden sa telebisyon, kasabay ng kanyang pagnanais na pag-reinstate ng US ban kaugnay sa assault-style weapons at iba pang “common sense gun laws.”
Commentaires