17 Chinese, sangkot sa illegal online gambling, nai-deport na – BI
ni Lolet Abania | November 16, 2022

Idineport na ang ikatlong batch ng mga Chinese na naaresto dahil sa pagkakasangkot sa illegal online gambling ngayong Miyerkules ng hapon, ayon sa Bureau of Immigration.
Sa isang statement, sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco na ang 17 Chinese ay sakay ng isang Philippine Airlines flight patungong Wuhan, China.
Ayon kay Tansingco, mahigpit na mino-monitor ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla ang implementasyon nila ng deportation.
Gayundin aniya, regular silang nagsa-submit ng mga reports hinggil sa status ng mga deportees.
“Those deported are automatically included in the BI’s blacklist, effectively barring them from returning to the Philippines,” pahayag ng BI.
Matatandaan na ang unang batch ay anim na Chinese na nai-deport noong Oktubre habang 21 iba pa ang nai-deport naman nitong Nobyembre.
Ayon sa BI, nasa mahigit 300 foreign nationals ang nakatakda naman nilang ipa-deport.





Comments