17.5-M mag-aaral, nakakaranas ng pambu-bully
- BULGAR
- Feb 15, 2023
- 1 min read
@Editorial | Pebrero 15, 2023
Nakapanlulumo ang ulat na umabot sa 17.5 milyong estudyante ang nakaranas ng pambu-bully sa eskuwelahan.
Sa hearing ng Senate committee on basic education, lumabas na 65% ng mga estudyante sa buong bansa ay nakakaranas umano ng bullying sa paaralan.
Sa School Year 2022-2023, higit sa 27 milyong estudyante ang naka-enroll at ang 65% nito ay 17.5 milyon.
Nakakagulat at nakapanlulumo na Pilipinas din umano ang Number 1 sa may isyu ng bullying sa mahigit 70 bansa.
Maraming mukha ang pambu-bully, minsan ay hindi natin alam, pero nabibiktima na pala ang ating estudyante, ang ating anak.
Kaya dapat itong mas pagtuunan ng pansin. 'Yung mga insidente ng pagpapakamatay o pagpatay na kinasasangkutan ng mga kabataan ay maaaring may kinalaman din sa pambu-bully.
Huwag na nating hintayin na lumala ang sitwasyon. Ngayon pa lang ay tukuyin na natin ang ugat ng problema at pag-aralang maigi kung paano ito maiiwasan.
Sa bahay pa lang, bilang mga magulang, alamin natin ang kalagayan ng ating mga anak.
Magkaroon ng magandang komunikasyon. Obserbahan ang kanilang mga kilos at alamin ang kanilang nararamdaman. Sa pamamagitan nito ay napipigilan natin ang banta ng bullying.
Responsibilidad nating matiyak na sila ay maayos na namumuhay, walang takot, hindi naguguluhan at 'di nakakapag-isip na gumawa ng masama sa kapwa.
Panawagan sa Department of Education, triplehin pa ang laban sa bullying. Mag-isip ng mga programa para maiwasan ang lumalalang problema. Ingatan natin ang mga estudyante, tayo ang kanilang ikalawang pamilya, ibigay natin sa kanila ang paaralan na isang tahanan kung saan sila ay magiging masaya at ligtas.


Comments