15 katao, na-rescue sa pumalyang Ferris wheel

ni Lolet Abania | June 4, 2022

Nasa tinatayang 15 katao na nakalambitin sa Ferris wheel na nagkaaberya sa isang peryahan ang nasagip sa Barangay Lag-on, Daet, Camarines Norte nitong Biyernes ng gabi.
Agad na rumesponde ang Bureau of Fire Protection-Daet (BFP) na nasa 50-metro lamang ang layo ng himpilan nito mula sa peryahan at na-rescue ang mga na-trap sa Ferris wheel na nakabitin ng halos isang oras.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, tumagilid umano ang side nito hanggang sa ang mekanismo o makina ay tumigil nang mag-function.
Ayon kay Municipal Fire Marshal Vener Tabaniag, wala namang nasaktan o nasugatan na indibidwal sa insidente, subalit nagdulot ito ng takot sa kanila, kabilang na rito ang isang ina habang bitbit ang 2-anyos na anak.
“Karga-karga ng nanay, nu’ng maibaba nga po ‘yung nanay eh, tulog ‘yung bata,” pahayag ni Tabaniag. Ani Tabaniag, gamit ang boom truck ng Camarines Norte Electric Cooperative, ligtas na naibaba mula sa Ferris wheel ang mga na-trap na sakay nito.
Inirekomenda naman ng BFP sa lokal na gobyerno ng Daet na magsagawa muna ng inspeksyon sa lahat ng rides sa mga peryahan bago nila payagang mag-operate, partikular na sa naturang peryahan. Ilang araw na ring bukas ang nasabing peryahan na bahagi ng mga aktibidad para sa selebrasyon ng Pinyasan Festival ng Daet sa Hunyo 24.





Comments