147 bagong kaso ng Omicron COVID-19 variants – DOH
ni Lolet Abania | August 26, 2022

Nakapagtala ng 147 karagdagang kaso ng mas nakahahawang mga Omicron COVID-19 variants, ayon sa Department of Health (DOH) ngayong Biyernes.
Batay sa latest figures mula sa DOH, naka-detect ang bansa ng 139 bagong kaso ng Omicron BA.5, 6 pang kaso ng BA.4, 1 kaso ng BA.2.12.1, at 1 na itinuturing bilang “other sublineages.”
Sa mga bagong BA.5 cases, marami rito ang naiulat sa Davao Region na 45, Calabarzon na 37 at Soccsksargen na 17. Habang ang BA.4 cases naman ay nai-report sa Bicol Region na may 3, Soccsksargen na 2 at Davao Region ay 1.
Ang isang BA.2.12.1 case ay na-detect naman sa Ilocos Region habang ang isa na itinuturing na “other sublineages” ay naitala sa Caraga.
Ito ang resulta ng latest sequencing run na isinagawa noong Agosto 24, ayon sa DOH data.
Ang Omicron BA.4 at BA.5 variants ay bahagyang nagdulot ng wave ng mga bagong kaso ng sakit sa ilang mga bansa sa buong mundo.
Una itong nadiskubre sa South Africa at mabilis na kumalat sa kabila ng mataas na population immunity na isinagawa bago pa ang mga waves at vaccinations laban sa sakit.





Comments