14 NBA All-Star Players, Ipinakilala at handa na
- BULGAR
- Feb 5, 2022
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | February 05, 2022

Ipinakilala na ang 14 reserba na bubuo ng Team LeBron at Team Durant para sa 2022 NBA All-Star Game ngayong Pebrero 20 sa Cleveland, Ohio. Nangunguna sa listahan sina Chris Paul at Devin Booker ng Phoenix Suns at Zach LaVine ng Chicago Bulls, ang mga koponan na hawak ang liderato ng Western at Eastern Conference.
Sasamahan ang tambalang Suns nina Donovan Mitchell at Rudy Gobert ng Utah Jazz, Draymond Green ng Golden State Warriors, Karl Anthony Towns ng Minnesota Timberwolves at Luka Doncic ng Dallas Mavericks. Nagpahayag na si Green na hindi siya makalalaro dahil masakit ang likod at walang linaw kung kailan ito gagaling kaya maghahanap ng kapalit si NBA Commissioner Adam Silver.
Kakatawanin ang Cleveland Cavaliers ni Darius Garland na maglalaro sa unang pagkakataon. Ang iba pang napili mula sa East ay sina Jimmy Butler ng Miami Heat, James Harden ng Brooklyn Nets, Jayson Tatum ng Boston Celtics, Fred VanVleet ng Toronto Raptors at Khris Middleton ng World Champion Milwaukee Bucks.
Ang kapitan na sina LeBron James ng Los Angeles Lakers at Kevin Durant ng Nets sa Pebrero 10 ang pipili ng magiging kakampi. Ang first five ay sina Stephen Curry at Andrew Wiggins, MVP Nikola Jokic, Ja Morant, Joel Embiid, Giannis Antetokounmpo, Trae Young, DeMar DeRozan.
Tagumpay ang Team LeBron sa Team Durant, 170-150, sa 2021 All-Star sa State Farm Arena sa Atlanta, Georgia. Itinanghal na MVP si Antetokoumpo sa 35 puntos sa 19 minuto lang ng aksyon.
Maliban sa All-Star Game, aabangan din ang AT&T Slam Dunk kalahok si kabayan Jalen Green ng Houston Rockets, Taco Bell Skills Challenge at MTN Dew 3-Point Contest sa Pebrero 19. Kasama din si Green sa Clorox Rising Stars na kasunod ng Ruffles Celebrity Game sa Pebrero 18.
Samantala, sa NBA game kahapon, tinapos ng Atlanta Hawks ang 11 sunod-sunod na panalo ng Phoenix Suns sa bisa ng 124-115 tagumpay sa NBA kahapon sa State Farm Arena. Tinambakan ng Golden State Warriors ang Sacramento Kings, 126-114. Nanaig si Trae Young sa dwelo laban kay Devin Booker at ipinasok ang pandiin na three-points para lumayo ang Hawks, 122-113, at 37 segundo sa orasan. Ipinasok ni Reggie Jackson ang bola na may apat na segundong nalalabi upang maitakas ng Los Angeles Clippers ang 111-110 sa bisitang Los Angeles Lakers.





Comments