14 biktima ng human trafficking, naharang sa Airport
- BULGAR

- 2 days ago
- 1 min read
ni Gina Pleñago @News | August 21, 2026

Photo: Courtesy BI
Naharang ng Bureau of Immigration (BI) ang 14 na hinihinalang biktima ng umano'y human trafficking sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at Clark International Airport (CIA).
Ayon sa immigration, naharang din ang dalawang hinihinalang recruiter.
Nailigtas sa CIA ang anim na lalaki, nasa edad 40 hanggang 50, na nagtangkang umalis ng bansa sakay ng Cebu Pacific flight papuntang Hong Kong.
Una nang sinabi ng mga biktima na nagbabakasyon sila kasama ang mga dating kasamahan mula sa militar, subalit may magkasalungat na pahayag sa mga detalye ng kanilang biyahe.
Nang maglaon ay inamin nila na sila'y patungo sa Russia kung saan na-recruit para magtrabaho at pinangakuan ng USD 3,000 na buwanang suweldo.
Samantala, walong biktima pa ang nailigtas sa NAIA Terminal 3 matapos tangkaing umalis sakay ng Cebu Pacific flight papuntang Singapore.
Ang mga biktima, na binubuo ng anim na lalaki at dalawang babae na may edad 30 hanggang 50 ay una ring nag-claim na nasa isang business trip, ngunit kalaunan ay napag-alaman na papunta sa Russia kung saan sila inalok ng mataas na suweldo, gayundin ang Russian citizenship.
Inamin ng walong biktima na ang kanilang facilitator ay maglalakbay din sa parehong flight kasama nila, isang lalaki at isang babae, at iginiit na ang biyahe ay para lamang sa mga layunin ng negosyo.





Comments