14-anyos, arestado sa pagpatay sa edad 15

ni Mervin Reyes @News | September 10, 2026

Photo: Malate Police Station - ABS-CBN
Hinuli ang 14-anyos na binatilyo matapos silbihan ng warrant of arrest para sa murder kaugnay ng pagkakasangkot sa pambubugbog at pagpatay sa 15-anyos na Grade 10 sa Baseco Compound noong Pebrero.
Ayon kay Lt. Col. Norman Patnaan, nadakip ang menor-de-edad, na itinuturing na child in conflict with the law (CICL), sa Port Area nitong gabi ng Setyembre 7. Itinuturing siyang kasabwat ng 16-anyos na primary suspect na nauna nang naaresto.
Nangyari ang insidente noong Pebrero 9 sa labas ng isang paaralan sa Brgy. 649, Baseco Compound, kung saan pinagsasaksak at binugbog ang biktima hanggang sa mamatay sa ospital.
Nagsimula umano ang gulo matapos bastusin ng pangunahing suspek ang 14-anyos na kasintahan ng biktima.
“‘Yung nahuli namin ngayon, ang participation niya doon sa insidente na 'yun, kasama siya sa nambugbog sa biktima na eventually namatay sa hospital,” pahayag ni Patnaan.
Sinabi ni Patnaan na dumaan sa legal na proseso ang pag-aresto sa CICL. Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang magsasagawa ng discernment bago isumite ng pulisya ang kaukulang dokumento sa piskal at korte.
Nai-turnover na sa DSWD Manila Reception Center ang pangangalaga sa suspek habang nagpapatuloy ang legal na proseso.





Comments