top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

14.1M bata at teenager, fully vaxxed na kontra-COVID-19 – DOH

Writer: BULGAR
BULGAR
Aug 12, 2022
2 min read

ni Lolet Abania | August 12, 2022



Nasa 14.1 milyon mga bata at teenager ang fully vaccinated na laban sa COVID-19 bago pa ang pagbubukas ng klase ngayong buwan, ayon sa Department of Health (DOH).


Sinabi ni DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire na sa naturang bilang, nasa 9.8 milyon ang adolescents o edad 12 hanggang 17, habang tinatayang 4.3 milyon ang mga bata o edad 5 hanggang 11 ang nabakunahan.


“Magandang balita rin [ito] bilang nalalapit na ang pasukan,” ani Vergeire sa press briefing ngayong Biyernes.


Una nang itinakda ng Department of Education (DepEd) ang pagbubukas ng School Year 2022-2023 sa Agosto 22.


Batay sa isang DepEd order, ang mga public at private schools sa basic education ay maaaring mag-implement ng distance at blended learning ng hanggang Oktubre 31, 2022 lamang. Simula Nobyembre 2, ang mga paaralan ay dapat na mag-shift sa 5 araw ng in-person classes kada linggo, anuman ang alert level status sa kanilang lugar.


Sa latest data ng DepEd, nasa tinatayang 18.6 milyong estudyante na sa basic education ang naka-register para sa papasok na school year hanggang nitong Miyerkules. Ang naturang bilang ay mahigit sa kalahati ng target ng ahensiya na 28.6 milyong learners.


Samantala, ayon sa DOH, mahigit sa 72 milyong Pilipino na ang fully vaccinated laban sa COVID-19 sa ngayon. Kabilang dito ang 6.8 milyong senior citizens na nakatanggap ng bakuna.


Sa kanilang pagsisikap na mapataas ang tinatawag na “wall of immunity,” nakapag-boosted na ang bansa ng tinatayang 16.8 milyong Pilipino.


“Kaya naman makiisa tayo sa ating boosted Pilipinas, PinasLakas and get the jabs done, lalung-lalo na po sa madaling panahon para maipataas po natin muli ang wall of immunity dito sa ating bansa,” pahayag pa ni Vergeire.


Ang PinasLakas program ay layon na makapag-administer ng 23 milyong booster jabs sa loob ng unang 100 araw sa puwesto ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page