13 teams at 89 cyclists larga na sa MPTC Tour of Luzon
- BULGAR

- Apr 29
- 2 min read
ni Elyssa Nichole @Sports | April 29, 2026

Calatagan, Batangas - Markado si defending champion Dae Yeong Joo ng Korea pag-arangkada ng MPTC Tour of Luzon 2026 ngayong araw sa Tagaytay City.
Pasisibatin ang 13 teams sa alas-9 ng umaga kung saan magsisimula ang 150.1 km. Stage 1 sa Calatagan, Batangas at magtatapos sa Praying Hands sa Tagaytay City.
Ibabandera ng Gapyeong Cycling Team ang top rider nilang si Joo na pangungunahan ang 89 cyclists na papadyak sa 14-stage race na may pitong local at anim na foreign teams.
Makakatulong ni Joo ang teammates na sina Cha Dong Heon, Jang Jun Hyeok, Lim Ye Seo, Jung Dae Ho at Jung Moon Soon. Babantayan din ng mga siklista ang local teams na defending champion MPTC Drivehub at powerhouse Standard Insurance.
Ipaparada ng Standard Insurance si former Ronda Pilinas champion Ronald Oranza, makakasama niya sina Junrey Navarra, Ronald Lomotos, Jeremy Lizardo, Jhon Mark Camongao, Dave Eeron Cangayao at Jexxel Ehd Azur. Pambato ng MPTC Drivehub sina Rustom Lim, Mike Piolo Lugtu, Nash Joshua Lim, Khyll Lequin, John Paul Laureta, Rking Roque at Ruzel Agapito.
Ang ibang local teams ay ang Eleven Cliqq Roadbike, Excellent Noodles Cycling Team, DReyna Orion Cement at Pangasinan Cycling Team habang ang foreign ay Seoul Cycling Team mula South Korea, LCW UAE Cycling Team, National Team ng Malaysia, Ponti Wuaya Racing Team mula sa Indonesia at panlaban ng Hong Kong na CCN Factory Racing.
Pagkatapos ng Calatagan-Tagaytay Stage 1, sunod ang 43.40-km team trial Stage 2 sa Clark- New Clark City sa Huwebes, para sa 145.40-km Stage 3 New Clark City - Palayan City at aarangkada sa 165.80-km Stage 4 Palayan City - Bayombong sa Santiago City- Tuguegarao City ang bakbakan ng siklista sa 130.60-km Stage 5. Nakalaan ang P1-M premyo sa individual champion at P2-M sa magka-kampeon na koponan.





Comments