125K pasahero sa airport kada araw, nai-record — MIAA
- BULGAR
- Dec 23, 2022
- 2 min read
ni Lolet Abania | December 23, 2022

Nasa tinatayang 125,000 pasahero kada araw, ang naitala ng Manila International Airport Authority (MIAA) ngayong Disyembre, ang peak season para sa mga air travel.
Sa public briefing ngayong Biyernes, sinabi ni MIAA Senior Assistant General Manager Bryan Co na ang mga airports ay kasalukuyang nasa gitna na ng pagtaas ng kanilang inaasahang pagdagsa ng pasahero ngayong buwan.
“Nakakapagtala na po tayo ng around 125,000 passengers per day kung ikukumpara natin ito noong November usually nasa 100,000 passengers per day lang po tayo and we expect this week starting last Monday. Talagang tuluy-tuloy ang pagtataas ng ating mga number of passengers that are using our airports,” pahayag ni Co.
Ayon kay Co, karamihan sa mga nasabing pasahero ay dumating mula sa ibang bansa kabilang na sa United States, Canada, at Middle East.
Binanggit ng opisyal na nakapag-record din sila ng maraming passenger traffic kumpara sa nakalipas na dalawang taon nang ang bansa ay naghigpit sa mga borders dahil sa COVID-19 pandemic.
Aniya, nasa 95% ng pre-COVID levels ang naitalang passenger traffic ngayong taon.
Ayon pa kay Co, inaasahan na nila ang tinatayang 3.2 hanggang 3.5 million pasahero na gagamit ng NAIA terminals hanggang sa katapusan ng Disyembre.
“Bale what we expect po talaga is this kind of level at around 125,000 passengers will continue until at least the end of this year and then ang mangyayari po d’yan magre-reverse naman ang flow pag-January karamihan naman po ay papalabas naman ng Pilipinas dahil tapos na sila mag-Pasko sa ating bansa,” sabi niya.
Kaugnay nito, sinabi ng opisyal na nakipag-coordinate na ang MIAA sa iba’t ibang ahensiya para sa paghahanda sa peak season.
“Nakipag-ugnayan po tayo sa kanila over the past few weeks and months upang paghandaan natin ito talagang peak season natin this December 2022 so we had to make sure they have enough manpower and serviceable equipment in place upang ma-avoid natin ang delays at cancellation,” sabi pa ni Co.





Comments