12-anyos pa lang daw, nagyoyosi na… CHITO, UMAMING PANGIT ANG MGA NGIPIN, AYAW MAG-SMILE
- BULGAR

- Jun 26
- 3 min read
ni Mercy Lejarde @Showbiz Talkies | June 26, 2025
Photo: Chito Miranda - IG
Napagkamalan ni yours truly na nuknukan nang suplado ang anak ng University of the East (U.E.) dabarkads kong si Nora Yanga Miranda na si Chito Miranda.
Hindi man lang kasi namin nakitang lumabas ang ngipin nito, samantalang ang BFF naming si Nora na mother dearest ni Chito ay napakabait at smiling face.
May dahilan naman pala kung bakit hindi lumalabas man lang ang ngipin ni Chito, at ito ay ibinahagi niya sa kanyang social media post — ang larawan niya na nagpapakita ng ngipin na sungki-sungki, at ang isang larawan naman ay nakangiti na siya at labas na ang magandang ngipin.
Sabi nga ni Chito, “Dati, wala akong paki sa ngipin ko.
“I was a smoker since 12 and it was obvious dahil sa nicotine stains... not to mention na sungki-sungki pa sila na parang magtotropa na nagsiksikan sa sasakyan (naka-in out-in out sa sandalan (laughing emoji), tapos basag-basag pa ‘yung front teeth ko due to decades of jumping up and down while singing with a mic smashing against them (rock & roll emoji).
“I didn’t really worry about it, but I never flaunted them as well (kaya never ako ngumingiti na nakalabas ‘yung ngipin).
“Pero a couple of years ago, Dr. RFD convinced me to fix them... and I’m so glad I agreed. They cleaned and fixed my teeth.
“Ngayon, I still normally don’t show my teeth when smiling, but it feels great knowing na maganda ngipin ko whenever mag-smile ako na labas ngipin (smiling emoji).
“Salamat, Doc! Salamat Urban Smiles Dental Clinic.”
Kaya naman pala hindi siya ngumingiti nang labas ang ngipin.
Well, totoo ang saying na, “Don’t judge the book by its cover.”
Hindi naman pala suplado, nahiya lang dahil sa ngipin.
‘Sens’ya na po, tao lang.
Another kuwento, bigla tuloy na-miss ni yours truly ang mga U.E. dabarkads namin ni Nora, lalo na ang pinagtatambayan naming tindahan near U.E. Lepanto Street owned by Tita Mel. Oh, ‘wag na mag-senti, kanta na lang tayo ng: “Nandito na si Chito, si Chito Miranda… Nandito na si Kiko, si Francis Magalona… Nandito na si Gloc-9, wala s’yang apelyido. Magbabagsakan dito in five, four, three, two!”
Pak, ganern!
GANAP nang recording artist ang Pinoy Big Brother (PBB) Gen 11 Big Winner na si Fyang Smith matapos ilunsad ang kanyang five-track debut EP na Forever Fyang (FF), tampok ang Mishu (Nasaan Si Fyang?) (MNSF) at Tayo Hanggang Dulo (THD) na nasungkit agad ang una at ikalawang puwesto sa iTunes Philippines Songs Chart.
Ang lyric videos ng dalawang kanta kung saan tampok ang kapwa niya PBB Gen 11 housemate na si JM Ibarra ay umani na ng mahigit 100,000 views.
Mula sa komposisyon nina Trisha Denise at Dennis Campaner ang Mishu habang isinulat nina ABS-CBN Music creatives, content, and operations head Jonathan Manalo at Perry Lansigan ang THD.
Tampok sa mini album ang feel-good vibes at kuwento ng pag-ibig — magmula sa kilig hanggang sa pagkakaroon ng pangmatagalang koneksiyon.
Kabilang din dito ang 3 bagong kanta na Clingy AF (CA) na isinulat ni Gabriel Tagadtad, Kaya Mo Ba (KMB) nina Jeremy G at Jarea, at Para Shoot na mula sa award-winning composer na si Jungee Marcelo.
Nagsilbing overall producer ng EP ang StarPop label head na si Roque “Rox” Santos.
Nagpasiklab si Fyang sa FF album launch na naganap noong Linggo (Hunyo 22) sa New Frontier Theater.
Nakasama niya bilang special guests ang dating PBB Gen 11 housemates na sina Kai Montinola, Kolette Madelo, Rain Celmar, JM Ibarra, at ang Asia’s Songbird na si Ms. Regine Velasquez-Alcasid.
SA isang panayam, inamin ni Barbie Forteza na walang nanliligaw sa kanya.
Aniya, “Honestly, wala po talaga. Totoo po ‘yun, walang echos ‘yun. Walang nanliligaw.
“I am still enjoying my time. But, I am open to meeting people.
“Kasi ano naman, eh, ang saya kaya. Ang saya pala maging ano, maging outgoing, ‘di ba?
“To be more out there, ang sarap tumakbo sa labas.”
Okay, Barbie, enjoy your ‘me time’ at sana magkaroon ka na ng kasabay sa pagtakbo mo, mas masaya kaya kapag may kasamang tumatakbo. Tanungin mo pa si Jak Roberto.










Comments