11 patay dahil sa epekto ng LPA – OCD
ni Lolet Abania | January 10, 2023

Nasa 11 katao na ang nai-report na nasawi dahil sa epekto ng low pressure area (LPA) na namataan sa silangan ng Surigao del Sur, ayon kay Office of Civil Defense (OCD) Joint Information Center head Diego Agustin Mariano ngayong Martes.
Sa isang panayam ng GMA News, sinabi ni Mariano na hanggang alas-8:00 ng umaga, nasa 263,906 indibidwal o 63,101 pamilya ang apektado ng LPA, na nagdudulot ng mga pag-ulan sa Bicol, Western Visayas, Eastern Visayas, Mimaropa, Northern Mindanao, Davao, at Bangsamoro.
Sa apektadong populasyon, nasa 3,387 indibidwal o 815 pamilya na ang nawalan ng tirahan.
Gayundin, umabot sa halagang P125,490,260 ang nai-report na pinsala sa mga imprastruktura habang nagkakahalaga sa P77,934,325 sa agrikultura dahil sa epekto ng LPA.
Ayon kay Mariano, nasa halagang P8,984,566 assistance naman ang naibigay ng gobyerno sa mga biktima.
Batay sa 11AM advisory ng PAGASA, ang LPA ay namataan sa layong 425 kilometro silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur ng alas-10:00 ng umaga.
Ayon sa PAGASA, kahit posibleng hindi mag-develop bilang isang tropical depression, ang LPA ay magdudulot ng katamtaman hanggang sa malakas at paminsan-minsang matinding mga pag-ulan sa buong Sorsogon, Masbate, Eastern Visayas, Dinagat Islands, Surigao Del Norte, Surigao del Sur, at Agusan del Norte.
Gayundin, mahina hanggang sa katamtaman at paminsan-minsang malakas na mga pag-ulan ang mararanasan sa buong Agusan del Sur, Davao regions at Northern Mindanao, at sa natitirang bahagi ng Bicol at Visayas.
Nagbabala naman ang PAGASA sa posibleng pagbabaha at tinatawag na rain-induced landslides lalo na sa mga lugar na madalas na bumuhos ang malalakas na ulan.





Comments